Quiboloy isinugod sa ospital, may pneumonia
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na isinugod sa ospital si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy dahil sa pneumonia.
Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Supt Jayrex Bustinera, alas-5 ng hapon nitong Huwebes, Enero 18 nang dinala sa Rizal Medical Center (RMC) si Quiboloy dahil sa paninikip ng dibdib.
Sa medical bulletin ng RMC, nagkaroon ng community-acquired pneumonia si Quiboloy.
Dahil sa kakulangan ng kagamitan ng RMC, inirekomenda nila na ilipat sa isang pribadong ospital si Quiboloy.
Naipabatid na ng BJMP sa korte at sa pamilya ni Quiboloy ang sitwasyon ng pastor.
Bantay sarado na ng mga tauhan ng BJMP ang ‘di binanggit na pangalan ng ospital sa kadahilanang pangseguridad.
Sa kaniyang pananatili sa isang pribadong ospital, binisita rin umano si Quiboloy ng kaniyang matalik na kaibigan na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking sa Pasig Regional Trial Court gayundin sa kasong child abuse na isinampa laban sa kaniya sa Quezon City court.
- Latest