Mayang (102)
“HUWAG kang magpapahalata, Mars,’’ sabi ni Mayang. “Kunwari ay hindi natin sila napapansin.
Nagpatuloy sina Mayang at Mars sa pag-aayos ng kanilang panindang damit. Sa sulok ng mga mata ni Mayang ay nakikita niyang papalapit na sa kanila ang dalawang lalaki.
Hindi siya maaring magkamali. Ang isa sa mga lalaki ay ang madalas niyang makitang pabalik-balik na nagdaraan sa tapat ng kanyang stall na parang nagmamatyag.
Nang malapit na ang dalawang lalaki ay hindi tumingin si Mayang upang hindi makahalata. Kunwari ay inaayos niya ang mga damit na nakatambak.
Nang inaakala ni Mayang na nakadaan na sa tapat ng stall ang dalawang lalaki, saka siya tumingin sa mga ito.
Pero ganun na lamang ang pagtataka niya sapagkat wala na ang dalawa. Saan na nagpunta? Napakabilis namang naglakad ng dalawang lalaki.
Paglingon ni Mayang sa pinanggalingan ng dalawang lalaki, isang nakaunipormenng pulis ang nakita niya. Nagroronda ang pulis.
Ito kaya ang dahilan kaya biglang nawala ang dalawang lalaki. Nakita nila ang pulis na nagroronda kaya nagmamadaling umalis.
Nagkaroon ng pagkakataon si Mayang para ipagbigay-alam sa pulis ang kaduda-dudang kilos ng dalawang lalaki.
“Sir may dalawa pong kahina-hinalang lalaki na pabalik-balik kanina,’’ sabi niya sa pulis.
“Nasaan na sila?’’
“Diyan po nagtungo. Biglang nawala nang makitang paparating ka.’’
Sumali sa usapan ang babaing tindera na nakakita rin sa dalawang lalaki.
“Oo nga po Sir. Parang may baril po ang isa.’’
“Anong itsura ng dalawa?’’
“Nakadiyaket po ng maong ang isa at ang kasama naman ay naka-tshirt ng asul. Malaki po pareho ang katawan,” sagot ni Mayang.
“Sige. Susundan ko sila!’’
Nagmamadaling umalis ang pulis.
Kinabahan naman si Mayang at kasamang tindera.
“Baka balikan tayo ng dalawang lalaki!’’ sabi ni Mayang.
(Itutuloy)
- Latest