Bacoor umentra sa semis ng MPVA
MANILA, Philippines — Ibinulsa ng Bacoor ang huling semifinal spot matapos talunin ang sibak nang Valenzuela, 25-14, 25-18, 25-22, sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) noong Linggo sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Pumalo si Cyrille Alemeniana ng 13 points para sa 10-3 record ng Strikers at palakasin ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ incentive sa semis.
Sumama ang Bacoor sa No. 1 seed Quezon Tangerines (13-1), Rizal St. Gerrard Charity Foundation (10-4) at Biñan Tatak Gel (10-5) sa Final Four ng upstart league na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nagdagdag si Jemalyn Menor ng 10 markers, habang may siyam na puntos si Camille Bustamante para sa Strikers na nakabangon mula sa naunang 18-25, 25-23, 16-25 18-25 kabiguan sa Quezon.
Tinapos ng Bacoor ang kanilang laro ng Valenzuela sa loob ng isang oras sa two-round, 16-game MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa and Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners..
Samantala, umiskor naman ang AM Caloocan Air Force ng 25-15, 25-15, 28-26 panalo sa talsik nang ICC Negros.
Naglista sina Iari Yongco-Quimson at Jozza Mae Cabalsa ng 14 at 12 points, ayon sa pagkakasunod, para sa 6-7 kartada ng Caloocan.
- Latest