‘Final destination’
ISANG umaga habang nakaupo ang lalaki at nagpapahinga sa tabi ng bintana, napansin niya ang naglalakad na langgam sa pasamano. Maliit ang langgam para mapansin pero nahuli ito ng kanyang paningin dahil sa bitbit nitong piraso ng tinapay. Sinundan niya ng tingin ang langgam.
Habang bitbit ang maliit na piraso ng tinapay, napapahinto ito kapag dumadaan sa mga butas ng pasamano ng bintana. Titigil sandali na tila nag-iisip kung paano siya makatatawid sa butas nang bitbit pa rin ang tinapay.
Sa hinaba-haba ng nilakbay ng langgam, narating din nito ang butas na marahil ay entrance sa kanilang lungga. Ngunit napakaliit ng butas. Siya lang ang magkakasya. Malaki ang piraso ng tinapay para maipasok nito sa “entrance” ng lungga.
Napatigil ang langgam, naisip nito ang problema. Maya-maya, binitawan nito ang tinapay at saka sumuot sa butas patungo sa kanyang lungga. Napatawa ang lalaki. Matapos maghirap sa pagbitbit ng tinapay at daanan ang sunud-sunod na butas hindi pala nito madadala ang tinapay sa kanyang final destination.
Ganundin ang mga tao, halos patayin natin ang ating katawan sa pagtatrabaho para magkaroon ng maraming pera, malapalasyong bahay, mga sasakyan at malawak na lupain. Pero sa bandang huli, hindi natin mabibitbit ang mga ito kapag kinawayan na tayo ni Kamatayan at ang tanging mapapakinabangan natin ay ang kapiranggot na espasyo ng lupa kung saan tayo ihihimlay.
- Latest