430 barangay officials na dawit sa droga binabantayan ng PNP
MANILA, Philippines — Umaabot sa 430 barangay officials na umano’y sangkot sa iligal na droga ang binabantayan ng pulisya.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na kung saan iba’t iba ang partisipasyon at bigat ng umano’y pagkakasangkot ng mga nasabing barangay officials sa ipinagbabawal na droga.
Aniya, lumilitaw na may barangay officials ang umano’y nagsisilbing protektor, tulak at financier sa operation ng illegal drugs.
Sa intelligence report na hawak ng PNP, pinakamarami ay mula sa Region 6 at National Capital Region na mga high value individual habang ang iba ay district levels lamang.
Nakatakdang ikasa ang operasyon sakaling mapatunayang sangkot ang mga barangay officials sa pagkalat ng ipinagbabawal na gamot.
Paliwanag ni Acorda, hindi dapat nakapuwesto ang mga barangay officials kung ang mga ito ay sangkot sa anumang uri ng illigal activities partikular ang droga na posibleng lumala at hindi na masawata pa ang problema sa droga.
Naniniwala si Acorda na sa barangay level pa lamang ay dapat nang nasusugpo ang isyu ng illegal drugs.
Dapat anya, ang mga barangay officials ang dapat na nagpoproteksiyon sa kanilang nasasakupan at nagsisilbing modelo.
- Latest