‘Kalansay ng sirena’, natagpuan sa dalampasigan ng U.K.!
ISANG hindi pangkaraniwang nilalang na may anyong kalansay ng tao at buntot ng isda ang natagpuan ng mag-asawang turista sa baybayin ng Margate, Kent.
Ang kakaibang hugis nito ay nagdulot ng samu’t saring teorya mula sa mga eksperto at netizens, habang ang iba naman ay nananatiling duda kung ito nga ba ay tunay o isang art installation na gustong mag-viral sa internet.
Ayon sa ulat, nagpapalipas ng oras sa dalampasigan ang mag-asawang Paula at Dave Regan nang napansin nila ang isang misteryosong bagay na bahagyang nakabaon sa buhangin.
Sa unang tingin, inakala nilang ito ay isang inanod na patay na hayop mula sa dagat, ngunit nang lumapit sila, napagtanto nilang kakaiba ang kanilang natuklasan.
“Ang ulo nito ay parang bungo ng tao, ngunit ang likod na bahagi, kung saan naroroon ang buntot nito ay malambot at tila hindi pa naaagnas,” paglalarawan ni Paula Regan sa kanilang nadiskubre.
Dahil sa hindi maipaliwanag na itsura ng nilalang, nagsimulang magtipon ang ibang beachgoers upang makita ito nang malapitan. Mabilis na kumalat ang balita sa lugar, kaya’t dinayo ito ng mga residente ng Kent.
Dahil walang makapagsabi kung ano nga ba ang naturang nilalang, nagsulputan ang iba’t ibang haka-haka mula sa publiko. May mga nagsabing maaaring isa itong antigong figurehead ng isang lumubog na barko noong sinaunang panahon.
Ang iba naman ay may hinala na baka ito ay isang hindi pa natutuklasang sea creature o isang alien na bumagsak sa karagatan at kalauna’y inanod sa dalampasigan.
Gayunpaman, may mga netizens din na hindi kumbinsido sa pagiging tunay ng nilalang. Sa social media, ilang users ang nagsabing mukha itong isang art installation o props mula sa isang pelikula.
“Parang props sa isang horror movie. Sigurado akong may gumawa lang nito na isang artist at gusto niyang mag-viral online ang kanyang artwork.” anang isang komento.
Samantala, kinumpirma ng Thanet District Council na may mga opisyal nang nakatanggap ng ulat ukol sa misteryosong bagay, ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag tungkol dito.
Sa kabila ng kawalan ng konkretong sagot, patuloy pa ring kumakalat online ang mga larawan ng umano’y “skeleton mermaid” na nagiging sentro ng diskusyon sa iba’t ibang forums at social media websites.
Sa ngayon, nananatiling palaisipan kung ang nilalang na ito ay isang tunay na misteryo ng karagatan o simpleng panlilinlang lamang.
- Latest