OXFAM Pilipinas para sa Women’s Month: Babae, patuloy na bumabangon!

Ang National Women’s Month ngayong taon ay nagkaroon ng mas personal at malalim na kahulugan mula sa pagdiriwang ng Oxfam Pilipinas na pinamagatang “Personal to Powerful: Our Power to Act.”
Isang pribilehiyo ang maging bahagi ng mahalagang pagtitipong ito na itinampok ang mga tagumpay at hamon sa laban para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian (gender equality) at usapang sexual and reproductive health, rights, and justice (SRHRJ).
Sa gitna ng pagdiriwang ay ang paglulunsad ng “SHE Rises: Stories of Change from People and Communities of the Sexual Health and Empowerment Project,” isang akdang naglalaman ng mga kwento ng katatagan, tapang, at tagumpay ng mga indibidwal at komunidad sa pagtataguyod ng kanilang SRHRJ. Ang proyektong ito, na bunga ng pagtutulungan ng Oxfam Canada, Oxfam Pilipinas, at marami pang ibang mga katuwang, ay kumakatawan sa pitong taon ng pagsisikap na mabigyan ng lakas at boses ang mga biktima ng kawalan ng katarungan sa kasarian.
Mahaba pa ang laban
Binigyang-diin ni Rosario “Lot” Felizco, Country Director ng Oxfam Pilipinas, sa kanyang opening remarks ang matinding hamon na ating hinaharap. Sabi niya, “tatlong dekada na mula nang mapagtibay ang Beijing Declaration and Platform for Action. Gayunpaman, nasasaksihan pa rin natin ang mga pangakong di pa natutupad, at mga banta sa gender equality at mga karapatan ng kababaihan.”

Bagaman malayo na rin ang narating natin sa larangan ng gender equality, marami pa ring hadlang. Maraming mga kababaihan ang nananatiling naiipit ng mabababang sahod, hindi tiyak na trabaho, at kawalan ng proteksyong-panlipunan, habang inuuna ang tungkulin bilang tagapag-alaga kaysa sa sariling pag-unlad.
Samantala, patuloy pa rin ang karahasan laban sa kababaihan at LGBTQIA+ sa kabila ng mga batas tulad ng Anti-Rape Law (RA 8353) at Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262).
Mga pananaw mula sa panel
Sa panel discussion na “Rising to the Challenge of Advancing Sexual and Reproductive Health, Rights, and Justice (SRHRJ) in Today’s Landscape,” natalakay ng mga kasama nating eksperto mula sa iba’t ibang sektor ang mga hamon na kinakaharap ng mga kababaihan at gender equality.

Habang papalapit ang National at Local Elections, binigyang-diin sa ilang diskusyon ang kapangyarihan ng boto sa pagbuo ng mga polisiyang may malasakit sa kababaihan at LGBTQIA+. Ayon kay Danica Shahana Magtubo, Program Officer ng Women’s Global Network for Reproductive Rights (WGNRR), “ang pagdiriwang natin ng Buwan ng Kababaihan ay pagdiriwang din ng ating kapangyarihang magpasya, kumilos, magmalasakit, at mamuno. From personal to powerful, pinagtitibay natin ang ating kolektibong paninindigan para sa mga polisiyang pabor sa kababaihan at SRHR, sapat na pondong pangmatagalan, at matatag na lideratong pangkababaihan upang lumikha ng isang makatarungan at pantay na kinabukasan para sa lahat.”
Samantala, binigyang-pansin ni Nandy Senoc, Executive Director ng Family Planning Organization of the Philippines, ang kakulangan ng implementasyon ng mga LGU sa mga programang pang-reproductive health. “Maraming LGU ang hindi sapat ang kaalaman sa mga programang kailangang ipatupad sa ilalim ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law.”
Ayon naman kay Khyle Sabeliano, isang Youth Peer Educator sa Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan, malaking hamon ang pagtuturo ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga kabataang walang kaalaman ukol dito. “Kailangang magsimula kami mula sa pinaka-basic, dahil nakakagulat na wala talaga silang alam tungkol dito,” ibinahagi niya.
Ang impluwensya ng political will – o kawalan nito – ay isa ring mahalagang isyu na binanggit ni Daryl Leyesa, Project Coordinator ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan. Ikinuwento niya kung paano biglaang napuputol ang kanilang mga inisyatibo dahil sa pagpapalit ng mga lider ng gobyerno. “Sinabihan kami na hindi maaaring ipatupad ang aming programa nang walang pagsang-ayon ng bagong chief executive.”

Bukod sa mga diskusyon, inilunsad din ang “Personal to Powerful,” isang global briefing paper ng Oxfam na nagsusulong ng SRHRJ bilang pangunahing karapatang pantao. Habang naghahanda ang mga pandaigdigang lider sa muling pagsusuri ng mga pangako sa ilalim ng Beijing Declaration and Platform for Action, nagsisilbing babala at gabay sa aksyon ang dokumentong ito. (Maaaring i-download ang briefing paper nang libre sa oxfam.org.ph!)
Kabilang sa mga pangunahing rekomendasyon nito ang pagtataguyod ng SRHRJ bilang pangunahing karapatang pantao, pagkilala sa pangangalaga nito bilang isang karapatan at pampublikong benepisyo, at pagpapalakas ng mga feminist at queer na organisasyon.

Isang makapangyarihang mensahe ang ibinahagi sa atin ni Lot Felizco ng Oxfam Pilipinas: “ang gender justice ay hindi lang tungkol sa karapatan ng kababaihan – ito ay tungkol sa dignidad at buhay ng lahat ng tao.”
Tunay ngang ang laban para sa gender justice ay laban rin para sa lahat. Dapat tayong patuloy na kumilos, magsulong, at manindigan para sa isang hinaharap kung saan bawat isa, anuman ang kasarian, ay may dignidad, awtonomiya, at pantay-pantay na oportunidad.
– – –
Sundan ang aking social media accounts @JingCastaneda sa: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Magpadala ng inyong kwento o mga paksa sa editorial@jingcastaneda.ph.
- Latest