EDITORYAL - PNP, maging maingat sa pag-recruit sa magpupulis

MALAKING aral sa Philippine National Police (PNP) ang ginawa ng bagitong pulis na nagsalita ng kung anu-ano laban sa gobyerno at kinalaban din mismo ang kinaaanibang organisasyon. Ang ginawa ng pulis na si Patrolman Francis Steve Fontillas ay hindi katanggap-tanggap at dapat lamang na maparusahan ang taong ito para hindi pamarisan. Delikado ang mga may ganitong pag-iisip at maaring malagay sa panganib ang mamamayan.
Nararapat na rebyuhin ng PNP ang kanilang mga panuntunan sa pagre-recruit ng bagong miyembro upang makaiwas na makakuhang muli ng katulad ni Fontillas. Ayon sa record, na-recruit ng PNP si Fontillas noong 2024 at na-assigned sa Quezon City Police District (QCPD) na may ranggong patrolman. Bukod sa pagiging pulis, isa ring vlogger si Fontillas na marami na umanong followers.
Noong Marso 11 na inaresto si dating President Duterte, biglang naging viral ang mga post ni Fontillas sa kanyang Facebook page, Font Stv Vlogs, na lantarang binabatikos si President Ferdinand Marcos Jr.
Bukod kay Marcos, binatikos din niya sina Criminal Investigation and Detection Group chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, at PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo dahil sa aniya’y kawalang hustisya sa pag-aresto kay Duterte. Sinabi rin niya na dapat daw na maging apolitical at non-partisan ang PNP. Hindi raw siya magbibitiw sa puwesto at nanghikayat na pababagsakin ang gobyerno. Sabi pa ni Fontillas, kapag nagbitiw daw siya wala nang matinong pulis na matitira.
Noong Marso 16, muling nag-post sa kanyang FB page si Fontillas na nanghahamon sa mga matataas na opisyal ng PNP.
“Inciting to sedition daw ‘yung ginawa ko? Hahaha. Okay lang ba kayo? I only expressed my stand and my principles. Where’s our right to freedom of expression now? Kawawa naman ang Pilipinas. Hahaha! Sige, file the case now. Sa korte na lang tayo magkaalaman,” sabi ni Fontillas sa kanyang post.
Noong Huwebes, nagbalik sa kanyang duty sa QCPD si Fontillas at umiiyak na humingi ng tawad. Sabi ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, napaka-apologetic daw ni Fontillas. Nangako raw na hindi na magpo-post ng seditious comments at hate speech sa social media pages. Pero sabi ni Calinisan, hindi raw nangangahulugan iyon na matatakasan ni Fontillas ang batas. Sasampahan siya ng administrative charges. Inilagay na si Fontillas sa restrictive custody.
Ang ginawa ni Fontillas ay isang aral sa PNP. Maging maingat sa pag-recruit ng mga magpupulis. Masusing idaan sa medical and neuropsychiatric examination ang kukuning pulis. Delikado kapag may topak o may sayad ang ma-recruit.
- Latest