Pasahero ng eroplano, lumunok ng rosaryo matapos makakita ng ‘demonyo’ sa kanyang flight!
ISANG flight mula Savannah, Georgia patungong Miami, Florida ang nagkaroon ng kaguluhan habang nasa himpapawid matapos magwala ang isang pasahero, umatake sa flight attendants, at lumunok ng rosary beads!
Kinilala ang suspek na si Delange Augustin, 31, na biglang na lang nagwala habang nasa loob ng American Airlines Flight 4162. Wala pang isang minuto matapos ang paglipad, nagsisigaw, nanginig, at nanipa ng upuan.
Ayon sa mga saksi, inakala ng isang flight attendant na may medical emergency si Augustin kaya sinubukan itong pakalmahin. Pero bigla na lang itinaas ng suspek ang mga paa nito at sinipa sa dibdib ang flight attendant.
Hindi pa roon natapos ang gulo. Matapos manakit, sinimulan niyang suntukin at sipain ang upuan sa kanyang harapan hanggang sa mawasak ito. Dahil sa matinding kaguluhan, nagpasya ang piloto na ibalik sa pinagmulang airport ang eroplano.
Habang nasa biyahe pabalik, kumalma si Augustin, pero paglapag ng eroplano, muli siyang sumugod sa harapan ng cabin. Dito na siya muling nanakit ng isa pang flight attendant. Dahil dito, tatlong pasahero ang napilitang umawat bago dumating ang airport police.
Ayon sa kanyang kapatid na si Medjina Augustin, na kasama nito sa flight, papunta raw silang Haiti upang tumakas mula sa isang ‘spiritual attack’. Aniya, bago pa magwala si Delange, sinabi na raw nito sa kanya na “May mga alagad ni Satanas sa eroplano” at sinusubukang pigilan silang makarating sa Haiti.
Sa kasagsagan ng kaguluhan, nilunok pa ni Delange ang isang rosaryo, na ayon kay Medjina ay isang sandata laban sa masasamang espiritu. Matapos mahuli, dinala muna si Augustin sa ospital upang suriin kung may pinsalang natamo sa kanyang katawan matapos ang paglunok ng rosaryo.
Kinalaunan, inilipat siya sa Chatham County Detention Center, kung saan siya kasalukuyang nakakulong.
Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang American Airlines, kung saan binigyang-diin nila na “Ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at crew ay aming pangunahing prayoridad.”
Samantala, matapos ang 181-minutong pagkaantala, muling lumipad ang eroplano patungong Miami.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente, at sinampahan na si Augustin ng kasong misdemeanor battery, misdemeanor obstruction of police, at felony criminal property damage.
- Latest