Duterte maari bang magpiyansa sa ICC?

MAARI bang humingi ng interim release si Rody Duterte sa International Criminal Court (ICC)? Kasi nga naman anim na buwan siya maghihintay sa piitan bago magsimula ang paglilitis sa Setyembre 23.
Oo, maari siyang humiling ng provisional liberty, ani dating ICC judge Raul Pangalangan sa maikling panayam sa Sapol. Pero may dalawang komplikasyon:
l Maari mag-dalawang isip ang ICC. Ito’y dahil sa masamang karanasan. Panandaliang pinalaya si Kenya President Uhuru Muigai Kenyatta. Bumalik nga siya sa takdang araw ng paglilitis. Pero nangawala na ang mga tetestigo sana laban sa kanya. Pinatay, tinakot, sinuhulan—walang nakakaalam. Napilitan ang ICC prosecutors iatras ang hablang crimes against humanity.
l Walang hukom na didinig sa hiling para sa panandaliang paglaya. Kasi ang binuong pre-trial chamber ng tatlong babaing hukom ay para lang suriin ang paunang ebidensya ng extrajudicial killings sa drug war ni Duterte. Batay du’n nag-isyu sila ng arrest warrant, at nagsesyon para tiyakin kung siya nga ang hinuli at ipabatid ang karapatan niya. Wala silang kapangyarihang duminig ng petisyong pagpiyansa.
Maari bang makipag-plea bargain si Duterte?
Posible, ani Pangalangan, kolumnista ng Inquirer. Pero walang alituntunin ang ICC para sa plea bargaining, di tulad ng lantarang proseso sa America.
Sa isang kasong hinawakan ni Pangalangan bilang trial chamber president, napansin niyang nag-plea bargaining ang nasasakdal at prosecutors. Maski walang inamin ang mga ito, halata ang plea bargain sa daloy ng pangyayari at presentasyon ng argumento.
Paano kaya maiiwasan ni Duterte ang pagkabagot sa piitan? Maari niyang subukang magdasal, magmuni-muni, at magbasa ng Bibliya.
- Latest