4-anyos na bata, isinumbong sa pulis ang ina dahil kinain nito ang kanyang ice cream!
HINDI napigilan ng isang 4-anyos na bata mula sa Mount Pleasant, Wisconsin, ang sama ng loob matapos kainin ng kanyang ina ang paborito niyang ice cream. Sa galit at lungkot, agad siyang tumawag sa 911 upang isumbong ang “kasalanan” ng kanyang nanay.
Ayon sa ulat ng Mount Pleasant Police Department, natanggap nila ang tawag noong Marso 4, kung saan maririnig ang batang tila umiiyak at nagsusumbong sa dispatcher.
Sa halip na karaniwang emergency tulad ng sunog o aksidente, isang reklamo laban sa kanyang ina ang isiniwalat ng bata: “My mommy is being bad.”
Nang tanungin kung ano ang problema, walang pag-aalinlangang sumagot ang bata at ipinaaaresto nito ang kanyang ina.
Pero bago pa man lumala ang sitwasyon, isang nakatatanda ang biglang umagaw sa telepono at nagpakilala na siya ang ina ng bata. Matapos nito ay ipinaliwanag ang nangyari.
Ayon dito, nagiging makulit lang ang bata at pinakialaman ang telepono. Ngunit hindi nagpaawat ang bata at muling sumabat at sinabi nito na kailangang ipakulong niya ang kanyang ina.
Sa huli, umamin ang ina at ipinaliwanag na kinain niya ang ice cream ng anak, kaya ito tumawag sa 911.
Agad namang nagresponde ang mga pulis sa bahay ng bata matapos makatanggap ng 911 call. Sa kanilang pagdating, seryosong inilahad ng bata ang kanyang reklamo, kinain ng kanyang ina ang kanyang ice cream, kaya dapat itong hulihin at ipakulong.
Ngunit makalipas ang ilang minuto, tila lumamig na rin ang ulo ng bata at nagbago ang kanyang desisyon. Sa halip na ipahuli ang ina, sinabi niyang gusto na lang niya ng bagong ice cream.
Sa halip na magkaroon ng pag-aresto isang matamis na sorpresa ang ibinigay ng mga pulis.
Kinabukasan, bumalik ang mga pulis sa bahay ng bata dala ang isang bagong ice cream para sa kanya.
Sa isang post sa Facebook, ibinahagi ng Mount Pleasant Police Department ang litrato ng masayang bata kasama ang mga pulis na nagbigay sa kanya ng pampalubag-loob na dessert.
- Latest