Impeach trial sa Hulyo 30
Marami ang nababagalan at gusto nang maisalang sa Senado ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte. Pero sabi ni Senate President Francis Escudero, sisimulan ang impeachment trial kay Sara sa Hulyo 30, 2025. Mukhang hindi kuntento ang mga kongresista sa pahayag ni Escudero. Gusto na nilang simulan na nang maaga ang impeachment trial upang magkaroon na ng kasagutan ang mga reklamo kay Sara.
Pero matigas ang paninindigan ni Escudero. Hindi raw siya mapi-pressure. Noong isang araw, inihanda na ng Senado ang mga gagamitin sa impeachment trial. Mayroon na ring petsa ng mga activities sa trial. Kung ganun, kapana-panabik ang mapapanood sa Hulyo. Marami ang mag-aabang sa kauna-unahang impeachment trial ng Vice President ng bansa.
Sa ngayon, mainit na ang kampanyahan para May 12, 2025 midterm eletions. Abalang-abala na ang mga kandidato para mahimok ang mga botante. Kung anu-anong pakulo. Mayroon ding mga paninira.
Ibang-iba na ngayon ang takbo ng pulitika dahil nagiging personalan na ang banatan nang bawat partido. Ang masakit nito baka humantong ito sa malaking kaguluhan ng mga mamamayan dahil sa nagkakahati-hating paniniwala.
Nakakatuwa naman ang mga pahayag ng mga nakausap kong matatanda na ang pulitika oras na mapagwagian at mailuklok sa puwesto ay ayaw na nitong bumitaw. Kapag natikman ang kapangyarihan ay kapit-tuko na sa puwesto. Wala nang bitawan. Totoo naman ito.
Basta ang payo ko lang sa mga botante, pag-aralan ang mga programa ng mga pulitiko. Dapat ang may plataporma ang piliin sa darating na May 12, 2025 elections.
- Latest