Gen. Matta, tututukan ang Marilaque Highway!
FLASH report: May kuwento si PRO7 director Brig. Gen. Red Maranan na kumakalat ngayon sa Camp Crame. Nangyari ito noong director pa siya ng Central Luzon police.
Lumanding pala si Val Leonardo sa mga peryahan sa Central Luzon subalit hindi nagkasundo ang magkabilang kampo dahil abo’t langit ang hinihingi ng una na lingguhang payola.
Isa pa, nagdududa ang mga peryante at baka “hao shiao” si Val Leonardo. Para makumbinsi ang kausap niyang peryante na legitimate media siya, tumawag si Val Leonardo kay Maranan.
Ipinasa niya ang cell phone sa peryante at ganito ang takbo ng usapan ayon sa mga kosa ko.
Peryante: Hello, si Gen. Maranan po ba ito?
Maranan; Opo, ako po si Gen. Maranan.
Peryante: Narito po si Val Leonardo at ginagamit ang pangalan mo sa pangongotong sa amin.
Maranan: Ha? Hindi ko kilala ‘yan! Bugbugin n’yo ‘yan!
Ikinuwento ni Maranan na tumungo rin si Val Leonardo sa opisina ng PD ng Bulacan at iniutos na ipasara ang mga peryahan sa probinsiya. Pabubuksan din ito sa loob ng tatlong araw kapag nagkasundo sila sa P10,000 payola kada araw. Tsk tsk tsk! Hindi dapat ginagamit ang pangalan ng mga opisyal ng pulis sa modus na “kalabit-penge”. Tsk tsk tsk! Matibay ang hasang ni Val Leonardo.
• • • • • •
Naging mainit na Marites ang Marilaque Highway nitong nagdaang araw dahil sa “Superman stunt” kung saan nadedo ang motovlogger at may ilan pang nasugatan.
Sumawsaw naman ang mga pulitiko na gustong umani ng pogi points para sa darating na midterm elections, imbes na hayaan ang Highway Patrol Group at Land Transportation Office na ayusin ang problema. ‘Ika nga kapag maraming nakikialam, magulo talaga, di ba mga kosa?
Aksiyon kaagad naman si HPG director Brig. Gen. Eleazar Matta at agarang tumungo sa lugar para mag-inspection at kung anu-anong solusyon ang dapat ipatupad nang sa gayon ay maiwasan ang aksidente sa lugar. Eh di wow!
Lumalabas sa record ni Matta na may 158 road accidents na naitala ang HPG sa Marilaque road noong 2024. At mula Enero 1, 2025 may 13 insidente na na-record ang HPG, at karamihan ay sa Palo Alto Road. Tsk tsk tsk!
Ang Palo Alto mga kosa ay parte ng Marilaque Road sa portion ng Tanay, Rizal ay tambayan ng mga motorcycle riders, na mahilig mag-exhibition o magyabang. Sanamagan!
Dito matatagpuan ang tinatawag na “Devil’s Curve” at ang Masungi area kung saan madalas ang aksidente. Dipugaaa! Ang sakit sa bangs nito!
Ayon kay Matta, ang 115-stretch na Marilaque Road ay sakop ng Rizal, Laguna, Cavite at Quezon, ay paboritong daanan ng mga nagro-road trip na motorcycle riders.
May naka-deploy dito na 17-HPG team ng Rizal subalit hindi nila kayang bantayan ang buong highway.
Ang isang naisipan ni Matta ay magdagdag ng HPG personnel sa area, at pati LTO ay makakasama nila. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs! Nangako si Matta na tututukan niya ang problema ng Marilaque Road. Abangan!
- Latest