LTO kumilos na
KAILANGANG magkaroon muna nang masamang aksidente bago kumilos ang mga opisyal. Ayon kay LTO chief at Transportation Assistant Secretary Vigor Mendoza II, dadagdagan ang mga opisyal ng LTO at PNP Highway Patrol Group (HPG) sa Marilaque Highway para masigurong hindi ginagamit bilang karerahan o exhibition area ang nasabing highway.
Dalawang nag ala-superman sa kanilang motorsiklo ang naaksidente kung saan isa ang namatay. Parehong dumeretso sa barandilya ng kalsada ang dalawa kung saan may mga taong nanonood. Nadamay ang ilang tao pati ang mga nakaparadang motorsiklo.
Sasampahan naman ng patung-patong na reklamo ang rider na hindi namatay. Baka managot pa siya sa nasaktang tao na nanonood sa tabi ng highway pati mga motorsiklong nasira dahil sa aksidente. Baka may kulong pa.
Ipatatawag pa siya ng LTO para magpaliwanang kung bakit hindi sususpindihin ang kanyang lisensiya para sa ginawa niyang kolokohang “superman” sa Marilaque.
Tumaas na lang ang kilay ko nang mapansing naka Superman pa siyang t-shirt nang maganap ang aksidente.
Gagamitin na rin ng LTO ang social media para mahuli ang mga nagpapasikat o peligrosong nagmo-motorsiklo sa Marilaque. May planong higpitan na rin ang mga kumukuha ng lisensiya para magmaneho ng motorsiklo.
Bukod sa theoretical o written exam, may praktikal na eksaminasyon na rin. Dapat noon pa. Marami riyan ang hindi talaga marunong o wala talagang alam sa kaligtasan sa kalsada habang naka-motorsiklo.
Sana hindi naman sa simula lang lahat ang planong ito ng LTO. Sakit na ‘yan. Ningas kogon, ika nga.
Hindi palaruan ang Marilaque Highway. Hindi lang mga naka-motorsiklo ang dumadaan dito. May bisikleta, pribado at pampublikong sasakyan.
Ilang video na rin ang napanood ko kung saan walang labang nadadamay ang ibang sasakyan dahil lamang sa kalokohan ng rider.
Maging responsable naman sana lahat. Kung may mga pasaway pa rin, baka kailangan ng mas mahigpit pang kilos ang mga awtoridad.
- Latest