EDITORYAL - Batas sa espionage dapat nang baguhin
Ang Espionage law ay kinatha pa noong 1941 sa ilalim ng Commonwealth Act 616. Masyado nang luma. Hindi na ito angkop sa kasalukuyang panahon na masyado nang sopistikado ang mga pamamaraan at ginagamit sa pag-eespiya. Sabi ni dating senador Panfilo Lacson, obsolete na at kailangan nang susugan o magkaroon ng ammendment. Sa batas, hinahatulan lamang ng anim na taon na pagkabilanggo ang mapapatunayang sangkot sa pag-eespiya. Masyadong magaan ang parusang ito, sabi ni Lacson.
Ang isyu sa pag-eespiya ay naging mainit mula nang maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang condominium sa Makati City noong nakaraang linggo ang isang Chinese na umano ay espiya. Kasamang naaresto ang dalawang Pinoy na nagsisilbing drayber ng Chinese.
Nakilala ang Chinese na si Deng Yuanquing. Nasamsam sa mga suspek ang mga kagamitan na ginagamit sa pagsasagawa ng casing sa mga military camps at iba pang pangunahing imprastraktura.
Inamin naman ng dalawang Pinoy na marami na silang napuntahang military camps at iba pang lugar para magsagawa ng surveillance. Sinabi naman ng asawa ni Deng na hindi spy ang kanyang asawa at matagal na umano itong nasa bansa at meron na silang anak. Hindi rin umano ito nag-aral sa ilalim ng Peoples Liberation Army ng China. Ganunman, hindi naman masagot ng ginang kung bakit nagtutungo sa mga military installation ang kanyang asawa.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na espiya at sangkot sa illegal surveillance operations si Deng. Nagsasagawa umano ito ng unauthorized foreign intelligence surveillance at reconnaissance activity. Nakuha umano sa mga nasamsam na servers sa sasakyan ni Deng ang mga mapa ng critical infrastructures ng military at PNP camps. May mga data rin umano ng camps na nakuha, Kung hindi raw espiya, ano ang ginagawa ng Chinese sa mga lugar na nabanggit.
Kahapon, may mga Chinese na pinaghihinalaang spies ang inaresto ng mga awtoridad dahil kumukuha ng mga larawan ng military camps sa Palawan. Hindi pa binanggit ang pangalan ng mga inarestong spies.
Bago ang pagkaaresto sa mga sinasabing Chineses spies, dalawang submersible drones ang nadiskubre sa mga karagatan ng Pilipinas. May nakuhang drone sa Masbate at isa sa karagatang sakop ng Bicol.
Kasabay sa pagbabago ng espionage law, nararapat paigtingin ng AFP at PNP ang pagmamanman sa buong bansa. Paganahin ang intelligence gathering. Naghahatid ng pangamba na maaring nasa komunidad na at kahalubilo ng mamamayan ang mga espiya. Baka magising isang umaga ang mga Pinoy na narito na ang mga kalaban.
- Latest