Mga kaharian, sibilisasyon, digmaan hinubog ng kabayo
“Diego, tipunin ang mga kabayo, lulusob tayo sa bayan,” utos ng hepeng bandido sa radio drama nu’ng 1960. Kasunod ang pangkabog-pusong sound effects ng bao ng niyog, parang mga tumatakbong kabayo.
Nu’ng unang panahon tinugis ng tao ang kabayo para kainin. Naubos ang mga hayop sa North America. Buti na lang marami paring damuhan sa Asia at natuto ang tao na alagaan ang kabayo. Napakinabangan ang hayop sa pagbuo ng mga kaharian, sa digmaan, at sa paglaganap ng sibilisasyon, anang The Economist.
Naimbento ang pantalon para sa pagsakay sa kabayo. Ang pinakamatandang pares ay sa mangangabayo nu’ng 1300 B.C.
Ginamit ng tao ang kabayo sa pangangaso. Mas maraming nahuling usa at buffalo. Sumigla ang tao.
Ikinabit ang kabayo sa karetela. Mas maraming nakarga, mas malayo ang narating, at lumago and kalakal ng tao.
Nu’ng World War I mas maraming tonelada ng dayami kaysa bala ang dinispatsya ng Britain. Nu’ng World War II gumamit si Hitler ng 2.7 milyon kabayo. Kasing halaga ng jeep at tangke ang hayop.
Sakay ng kabayo sinakop ni Attila the Hun ang Europe, nilupig ng mga Turko ang Anatolia at India. Umabot ang Arabs sa Spain. Kumalat ang Mongols ni Genghis Khan sa China at Eurasia sa tulong ng kabayo.
Sa mga sinaunang Greeks halagang 500 drachma ang isang kabayo; 140 drachma lang ang isang alipin. Sa Brazil nu’ng Siglo 1600s presyo ng 20 alipin ang isang matulin na pangarera.
Singlakas ng isang kabayo ang sampung tao. Tumatakbo ito ng 65 kph. Halos hindi natutulog o napapagod. Madaling amuhin at suotan ng kabalyas.
Nu’ng bata ako binigyan ako ni Inay at Itay ng dalawang kabayo. Yung mas malaki ginagamit ko sa pagplansta ng damit. Yung mas maliit pangkayod ng niyog. Hiyah!
- Latest