Lalaki, nagpapawis ng sebo dahil cheese, butter at karne lang ang kinakain!
Isang lalaki sa Florida, U.S.A. ang naospital matapos magkaroon ng yellowish nodes na may lumalabas na likido sa kanyang mga palad, siko, at talampakan. Ang sanhi? Isang matinding carnivore diet kung saan kumakain lamang siya ng mantikilya, keso, at hamburger sa loob ng walong buwan.
Ayon sa mga doktor sa Tampa General Hospital, sinabi ng 40-anyos na lalaki na kumakain siya ng buong bar ng mantikilya araw-araw, kasama ang 6-9 pounds ng keso at burger patties, na naging pangunahing bahagi ng kanyang pagkain.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, iginiit niyang bumuti ang kanyang kalusugan kung saan nabawasan ang timbang niya, tumaas ang kanyang energy at mas luminaw umano ang kanyang pag-iisip.
Ngunit may isang bagay na hindi niya napansin—ang kanyang balat. Matapos ang halos isang buwan ng pagkakaroon ng mga yellowish nodes, saka lang siya nagpatingin sa ospital. Sa kanyang check-up, lumampas sa 1,000 mg/dL ang kanyang kabuuang cholesterol—malayung-malayo sa 200 mg/dL na itinuturing na normal.
Dahil dito, na-diagnose siya na may xanthelasma, isang kondisyon kung saan ang sobrang taba sa dugo ay naiipon sa ilalim ng balat. Kadalasang lumilitaw ang xanthelasma sa paligid ng mata, ngunit sa kanyang kaso, lumitaw ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan—isang babala na posibleng hindi na napoproseso ng kanyang katawan ang cholesterol nang maayos.
Ayon sa mga eksperto, ang sobrang taas na cholesterol ay may kaugnayan sa coronary heart disease, na maaaring humantong sa atake sa puso at stroke. Bago siya lumipat sa all-meat diet, ang kanyang cholesterol ay nasa pagitan lamang ng 210 hanggang 300 mg/dL—medyo mataas ngunit hindi singlala ng kanyang kasalukuyang kondisyon.
Ang carnivore diet ay isang extreme version ng keto diet kung saan tanging mga pagkain tulad ng karne, itlog, at dairy ang kinakain. Maraming sumusuporta rito, lalo na sa social media, at sinasabing nakatulong ito sa kanila na magbawas ng timbang.
Ngunit ayon sa mga doktor, hindi lahat ng katawan ay pareho ang reaksiyon sa ganitong klase ng pagkain. Ang sobrang taba, lalo na kapag hindi nababalanse ng iba pang sustansya, ay maaaring magdulot ng malalang komplikasyon.
Sa kabila ng mga babala, marami pa rin ang sumusubok sa high-fat carnivore diet, kabilang ang ilang social media influencers na nagpapakita ng kanilang pagkain ng hilaw na atay, bone broth, at buong bar ng mantikilya bilang pangunahing pagkain.
Hindi inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang ganitong uri ng pagkain. Ayon sa Dietary Guidelines for Americans 2020-2025, dapat may balanseng diyeta na binubuo ng gulay, prutas, butil, at iba’t ibang uri ng protina.
Bagamat maaaring may panandaliang benepisyo ang carnivore diet sa pagbaba ng timbang, maaari rin itong magdulot ng seryosong problema sa kalusugan, tulad ng sobrang taas na cholesterol na posibleng humantong sa sakit sa puso.
- Latest