Ibalik ang subsidy sa PhilHealth!
MADALAS kong paksain noon ang kahalagahan ng Universal Health Care (UHC) para mabigyan ng kalingang medikal pati ang mga pinakamahirap na mamamayan sa lipunan. “High heavens” kung purihin ko ang programang ito dahil ang layunin ay mabigyan ng dekalidad na medical service ultimo mga pulubi. Napakaganda talaga ng layunin nito.
Sa pamamagitan ng PhilHealth na government insurance agency na nagpapatupad ng UHC, ang mga kababayan nating may trabaho ay kinakaltasan ng premium para dito at naglalaan ang gobyerno ng subsidiya para sa mga mahihirap na hindi kayang magbayad ng premium.
Alam na ng taumbayan na inalis ng pamahalaan nang bigla ang subsidy na ito. Marami ang nagtaka at nagalit. Katwiran ni President Bongbong, may hindi natitinag na P500 bilyon o reserve fund. Pero tila taliwas ito sa itinatadhana ng batas sa Universal Health Care. Ngunit marami ang umaangal na maliit ang nakukuha nilang benepisyo sa pagpapagamot.
Kung totoo man iyan, hindi naman puwedeng sisihin ang PhilHealth dahil dumedepende rin ito sa pondong hawak nito. Nagtataka lang ako kung bakit sa ibang layunin ay nakakapag-appropriate ng sandamakmak ng pondo pero pagdating sa kapakanan ng taumbayan ay “nada”.
Napakaganda na may ahensiya tayo tulad ng PhilHealth. Pero sa halip na rito magpasalamat ang mga mamamayan mahirap, mas tumatanaw sila ng utang na loob sa mga “pulpulitiko” nagbibigay ng ayuda sa kanila. Kaya hindi lubusang mawala sa ating bansa ang patronage politics.
Kung tulong sa mamamayan ang pag-uusapan, dapat huwag magka-kredito ang sinumang individual na politiko. Ang pasasalamat ay kailangan para sa pamahalaan.
- Latest