^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Noon, daliri ang naputol, ngayon tenga ang puputok

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Noon, daliri ang naputol, ngayon tenga ang puputok

MATINDI ang ingay o tunog na inilabas ng long range acoustic device (LRAD) na ginamit ng China Coast Guard 3103 para i-harass ang Philippine Coast Guard (PCG) sa baybayin ng Zambales sa West Phi­lippine Sea noong Sabado. Pinaaalis ng CCG ang PCG vessel BRP Cabra na nagbabantay sa nasabing lugar. At nang hindi tuminag ang BRP Cabra, ginamit na ng CCG ang LRA device. Ang device ay naglalabas nang mataas na decibel level na sobrang sakit sa pandinig at makasisira sa taynga.

Ito ang unang pagkakataon na gumamit ng LRAD ang CCG. Sa mga nakaraang pangha-harass, pagbangga at pagbomba ng tubig ang ginagawa. Ngayon, pagpapakawala nang matinding ingay o tunog na ma­kapipinsala sa taynga.

Malaki ang paniwala ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang CCG-3103 ay inieskortan ng “monster ship” CCG-5901. Ang monster ship ay unang nakita sa Zam­bales coast noon pang Enero 2 at patuloy sa paglalayag sa iba’t ibang lugar na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon pa kay Tarriela, naitaboy ng PCG ang CCG-3103 sa pagitan ng 90 at 95 nautical miles mula sa dalampasigan ng Zambales, ngunit sakop pa rin ito ng EEZ ng Pilipinas. Hindi umano sila tumitigil sa pagsasagawa nang madalas na radio challenge sa CCG-3103. Ito aniya ay para malaman ng CCG na sila ay ilegal na naglalayag sa EEZ ng Pilipinas.

Nagsawa na sa pambobomba ng tubig, pagbangga at paggamit ng laser ang CCG kaya ang pagpapakawala ng nakabibingi at nakasisirang tunog ang gina­gawa ngayon. Lahat ay sinusubukang gawin para sindakin ang PCG.

Noong Sabado pa rin, dalawang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng scientific survey sa Kalayaan Island ang hinarass ng tatlong CCG vessels. Patungo sa Kalayaan ang BRP Pagbuaya at BRP Datu Bankaw nang harangin ng CCG vessels at isang PLA helicopter. Dahil sa nangyari, hindi na itinuloy ang scientific mission at nagbalik na ang dalawang barko.

Patuloy ang ginagawang pangha-harass ng China at nangyayari ito sa mismong teritoryo ng Pilipinas. Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Pili­pinas sa ginawang pagharang ng CCG vessels sa mga barko ng Pilipinas.

Marami nang naihaing protesta sa China subalit walang epekto at gumagawa pa nang mga delikadong hakbang gaya ng paggamit ng long range acoustic de­vice. Ano pa ang susunod na gagawin ng China sa Pili­pinas? Tatanggapin na lang ba ito nang tatanggapin?

PHILIPPINE COAST GUARD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with