Lulubha o bubuti?
Ito ang tanong ng marami hinggil sa sitwasyon ng Pilipinas na palaging tinatakot ng mga operatibang militar ng China sa West Philippine Sea, ngayong Presidente na ng U.S. si Donald Trump. Much remains to be seen pero may dahilan tayo para maging optimistiko sa kabila ng negatibong pananaw ng ilan na nakabatay sa America first policy na ibig pairalin ni Trump. Naririyan pa kasi ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng U.S. at Pilipinas na obligadong tupdin ng U.S.
Kung mahalaga ang MDT sa Pilipinas. Lalong importante ito sa U.S. upang mapanatili ang lakas nito bilang superpower na nanganganib maagaw ng China. Kailangan ng U.S. na mapanatili ang kontrol nito sa Asya at Pasipiko.
Hindi rin ipagwawalang bahala ng U.S. ang niluluto ng China na agawin muli ang Taiwan na naging balwarte na ng U.S. Lalaban at lalaban ang U.S. sa anumang plano ng China na makuhang muli ang Taiwan.
At huwag kalimutan na bilang superpower, mahalaga ang pangangalaga ng U.S. sa South China Sea upang mapanatili ang balance of power na malamang pumabor sa China kung hindi masasawata ang pag-angkin nito sa teritoryong pangkaragatan.
Sa ngayon, bagamat diplomatiko ang paraan ng Pilipinas sa ginagawang pang-abuso ng China sa mga Pilipinong mandaragat, nakikita ang determinasyon ng administrasyong Marcos na supilin ito sa paraang mapayapa.
Lalong iginiit ng Pilipinas ang posisyon nito sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa isang opisyal ng coast guard noong Sabado. Sa lahat ng pagdalaw ng Presidente sa ibang mga bansa, pangunahing agenda ang WPS.
Kaya ang agam-agam ng ilan na baka manlupaypay ang U.S. sa pagtulong at pagdepensa sa Pilipinas sa liderato ni Trump ay malabong mangyari. Ang pagtatanggol ng U.S. sa teritoryong pangkaragatan ay hindi lamang para sa Pilipinas kundi higit sa lahat para sa buong daigdig.
Kung tuluyan kasing maagaw ng China ang buong karagatan, pihong apektado ang kalakalan nang maraming bansa.
- Latest