Paano papapasukin ang suwerte sa Year of the Wooden Snake

Chinese New Year ang isa sa mga pinaka-aabangang holidays ng karamihan sa mga pamilyang Pilipino. Siguro dahil kalakip na ng ating pang araw-araw na buhay ang mga gawain at tradisyon ng mga Chinese kaya naman nananabik tayo sa mga ito. Isa na rito ang feng shui o gabay sa pagpapapasok ng swerte at kasaganahan sa ating mga buhay.

Habang tayo ay naghahanda sa paparating na kasiyahang dala ng Chinese New Year, ang aking malapit na kaibigan at kilalang feng shui expert na si Patrick Fernandez Lim, ng Yin & Yang Shop of Harmony sa New World Makati Hotel, ay nagbahagi ng ilan sa mga pwede nating gawin upang makasabay sa suwerteng dala ng Year of the Wooden Snake.

Kahit na ang madalas nating tingin sa mga ahas ay nagdadala ng kamalasan o kakambal ng masasamang pangyayari, ang mga Chinese naman ay may ibang paningin sa kanila. Ayon sa Chinese astrology, ang mga ahas ay nagdadala ng pagbabago.

Papasukin ang suwerte sa pamamagitan ng kolaborasyon

Sabi ni Patrick, matatagpuan natin ang suwerte ngayong taon kung tayo’y nakikipagtulungan sa iba, at bumubuo ng mga bagong koneksyon at kolaborasyon.

Sa kabuuan daw ng taon, kakailanganin nating sumabay at mag-adapt sa mga hamong darating, lalung-lalo na kung ang mga ito ay may mabibigat na desisyon. Kailan din nating pag-isipang maigi ang mga mahahalagang bagay na siyang susubok sa ating pasensiya.

(Kaliwa) Sabi ni Feng shui expert, Patrick Fernandez, berde ang masuwerteng kulay para sa 2025. (Kanan) Kasama ni Patrick ang kanyang inang si Tita Baby, na nakasuot ng pula, ang ikalawang masuwerteng kulay sa 2025.

Ang Wooden Snake ay maghahatid ng kasaganahan sa mga sumusunod na industriya.

Water industries:

  • Hospitality/Travel
  • Beverage/Supermarket
  • Trading/Logistics
  • Sales
  • Aquatics
  • Hygiene
  • Analytics

Metal industries:

  • Banking/Finance
  • Automobile
  • Mining/Machinery
  • Jewelry
  • Armed Forces
  • Skin Care/Beauty Products
  • Medical/Dental Industry

Habang tayo naman ay nasa Period 9, isang feng shui cycle na nagsimula noong 2024 at matatapos sa 2043, ngayon naman daw ang pinakamagandang panahon para magpatayo ng bahay at opisina. 

Dagdag pa niya, magbibigay din ng suwerte ang Year of the Wooden Snake sa mga industriya ng technology, AI at sustainable energy.  Kasama rin ang mga businesses ng entertainment industry at communications sa mga susuwertihin.  Mababahaginan din daw ng suwerte ang food at events services.

Baka ito na ang sign na inaantay mo! Start investing, open your dream business, o ‘di kaya, mag-explore ng iba pang tatahakin sa career mo.

Hatid na suwerte sa zodiac animals

Tayong mga Pilipino, mahilig sa mga pagbabasa ng ating kapalaran. Kasama na rin talaga siguro sa kultura natin ang naising malaman kung ano ang hatid ng kinabukasan. Kaya naman patok na patok sa atin ang pag-aabang sa kung ano ang magiging kapalaran ng ating zodiac animals.

Narito ang forecast para sa 2025.

  • Rat:   Ang mga rat ay dapat mag- diversify o pasukin ang iba’t ibang investments.  Pero may ‘disaster energy’ ang rat ngayong taon kaya dapat maging maingat.
  • Ox:   Ang mga ox naman ay dapat mas maging pasensyoso at palaging piliin ang positivity.
  • Tiger: Ang mga tiger ay dapat mas maging strategic pagdating sa pagpaplano ngayong taon. Paligiran ang sarili ng mga good influence at tiyak na darating ang mga unexpected opportunities for wealth kapag pinili mong alagaan ang iyong mental health.
  • Rabbit:  Bilang mga rabbit, kailangan nilang i-maintain at palakasin ang kanilang relasyon sa pamilya. Mag-ingat din sa paggawa ng mga malalaking desisyon.
  • Dragon:   Ang mga dragon naman, kailangang i-manage ang kanilang social battery upang makaiwas sa mga kamalasan at sakit ngayong taon. Alagaan din ang mga relasyon.
  • Snake:   Ngayong taon, ang mga snake ang isa sa mga dapat magtiwala sa sarili o sa kanilang intuition o kutob sa paggawa ng mga desisyon dahil madalas na tama ito.

  • Horse:   Dadami naman ang income streams ng mga horse. 
  • Goat:   Ang mga goat ay dapat umiwas sa gulo o conflict.   Mag-donate ng dugo o magpa-blood test para pangontra sa malas.
  • Monkey:   Yakapin ang mga oportunidad na darating, at umiwas sa kuwestiyonableng mga transaksiyon.
  • Rooster:   Magkakaroon ng magandang bunga ang iyong pagsisikap. Maging pasensyoso  at maingat sa iyong mga relasyon para maiwasang makasakit ng damdamin. 
  • Dog:  Lawakan pa ang iyong social contacts o mga koneksyon. Maraming parating na oportunidad sa mga dog kung matututo silang maging maparaan.
  • Pig:  Ang mga pig naman ay dapat maging charitable o matulungin para makontra ang ‘clashing/negative energy’ na dala ng taon.  Darami ang mga oportunidad na bumiyahe at kumita, pero dapat bantayan ang labas ng pera.
Mga selebrasyon kasama ang mga kaibigan at mahal sa buhay ang magdadala ng suwerte at kasaganaan sa 2025!

Suwerte sa tahanan

Narito naman ang mga payo ni Patrick kung papaano natin mapapapasok ang suwerte at kasaganahan sa ating mga sariling tahanan.

Kumuha ka lang ng compass at tumayo sa gitna ng tahanan o opisina  Madalas naman may app ang ating smartphones para rito.  Gamitin ang chart na narito sa artikulo para malaman ang energy ng bawat lokasyon o direksyon. Para ma-activate ang mga area, sabi ni Patrick, puwedeng mas tambayan mo ang lugar na iyon, o kaya’y lagyan ang mga ito ng mga masuwerteng kulay. Puwede ring maglagay ng mga bagay na simbolo ng paggalaw tulad ng miniature falls o statue ng hayop o taong wari mo’y gumagalaw. Puwede ring halaman, artwork, or conversational piece para ma-activate ang mga area.

Sa pagdating ng wooden snake, ang lucky sectors ng iyong bahay para sa wealth o pera ay nasa east at southwest.   Sa western part naman makikita ang sinasabi ni Patrick na may hawak ng iyong suwerte sa career ngayong taon.  Sa south naman ay para sa travel at authority, samantalang sa southeast naman ang para sa harmony at relationships.

Pero siyempre, maliban sa suwerte, nariyan din ang sectors na dapat pag-ingatan ngayong taon. Ang northwest ang pinanggagalingan ng mga conflict sa buhay natin. Sa northern part naman ng tahanan namamalagi ang unexpected loss. Sa gitna naman ay makikita ang area ng backstabbing o paninira at sakit.  Pinakahuli naman ang northeast.  Naroon ang energy para sa trahedya o disaster at kabiguan.

Paghahanda para sa bagong taon

Maliban sa areas ng ating bahay at zodiac animals, ayon kay Patrick, pwede rin tayong maghanda sa paparating na bagong taon sa pamamagitan ng paglilinis. Decluttering!  Kapag ang bahay ay malinis, tiyak na clean at fresh din ang iyong aura at mga ideya.

Dagdag pa ni Patrick, magpagupit, mag-shopping ng mga bagong damit, at magbayad ng mga pinagkakautangan para pumasok ang suwerte. Clean slate na ang pagsalubong natin sa bagong taon, feeling-good pa tayo.

Mga masuwerteng pagkain sa Year of the Wooden Snake 

Kasama ko sina Executive Chef Brandon Ng at Lujean Ong, ang Marketing Manager ng New World Makati Hotel

Bilang bahagi ng Chinese New Year celebration, may limited offerings ang New World Makati Hotel na inihanda ni Executive Chef Brandon Ng – mga pagkaing ang hatid ay suwerte at positive energy.

Natikman naming ang braised abalone mushrooms with dried oyster and broccoli na sumisimbolo sa wealth and unity.  Sinundan naman ito ng golden pumpkin seafood broth na siya namang kumakatawan sa prosperity at nourishment.  Abundance at harmony naman ang ipinagdiriwang ng platter of fried rice with preserved meat and asparagus.  Sa panghimagas, isang warm taro cream with glutinous rice balls ang aming natikman na para naman sa mga bagong simula.

At siyempre, hindi mawawala ang kanilang Nian Gao – o tikoy!

(L-R) Mandarin Orange Mousse Cake, Nian Gao, at Red Auspicious Sweet and Sour Prawns and Cantaloupe
(L-R) Poached Chicken with Sichuan Chili Vinaigrette, Steamed Garoupa and Sea Moss

Pero kahit saan mo pa balak mag-celebrate, alalahanin natin na ang ating pamilya ang pangunahing pinanggagalingan ng suwerte, suporta, saya at pagmamahal. Magpasalamat tayo sa bawat pinagdaraanan natin – mabuti man o masama – dahil ito ang mga bagay na magpapatatag sa atin sa bawat hamon ng buhay.

At higit sa lahat, pakatandaan natin, suwerte man o hindi, kailangan pa ring kumayod at magkaroon ng sipag at tiyaga!

Panoorin ang aming interview kasama si Feng Shui Expert Patrick Fernandez at Chef Brandon Ng para sa mas detalyadong forecast.

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda:  Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter.  Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa editorial@jingcastaneda.ph. 

Show comments