Mga prutas na mahusay sa puso
ANG mga mapupulang prutas ay may malaking benepisyo sa puso, ayon sa pahayag ng American Heart Association.
Narito ang mga mapupulang prutas:
1. Pulang ubas – Ang red grapes ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol na nasa balat ng pulang ubas. Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol.
Pinipigilan din nito ang pag-buo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat.
Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at sa bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba.
2. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at Alzheimer’s disease.
Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa din ng lebel ng bad cholesterol ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.
3. Pulang pakwan – Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at blood vessels. Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan.
Ang arginine ay na-co-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack.
Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa ating pag-edad.
4. Strawberries – Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser.
Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene.
Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant. Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at kanser sa bituka.
Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika.
Ayon sa mga eksperto, kailangan nating kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.
- Latest