Batang Pier dinispatsa ang Bossing
MANILA, Philippines — Pinatibay ng NorthPort ang tsansa sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals matapos ang 120-93 pagdispatsa sa Blackwater sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumanat si import Kadeem Jack ng 30 points, habang may 21 markers si Joshua Munzon para sa pagsasara ng Batang Pier sa eliminations bitbit ang 9-3 baraha.
Nagkuwintas si Arvin Tolentino ng triple-double na 14 points, 10 rebounds at 11 assists para sa back-to-back wins ng tropa ni coach Bonnie Tan.
“Sabi nga ni coach Bonnie sa team, saluhin lang namin lagi ng dalawang kamay iyong ibibigay na panalo sa amin,” wika ni assistant coach Rensy Bajar.
Tinapos ng Bossing ang kanilang kampanya sa 3-9 at muling naglaro na wala si injured reinforcement George King.
Pinamunuan ni center Justine Chua ang Blackwater sa kanyang 15 points.
Matapos kunin ang 30-26 abante sa pagtatapos ng first period ay inilista ng NorthPort ang 20-point lead, 57-37, sa second quarter patungo sa 109-73 paglayo sa final canto.
- Latest