Banawe sentro ng pagdiriwang ng Chinese New Year
ITINUTURING natin ang Filipino-Chinese community bilang isa sa mga haligi ng pag-unlad ng ating siyudad.
Sa tulong ng kanilang mga negosyo, isa sila sa mga dahilan sa likod ng patuloy na pagbabago ng ating siyudad.
Ngunit higit pa riyan, tumitingkad din ang turismo ng ating siyudad dahil sa kanilang kultura at masasarap na pagkain na karamihan ay ating makikita sa Banawe.
Matagal nang sentro ng kalakalan ng ating lungsod ang Banawe, na nagsisilbing one-stop shop ng mga parte ng sasakyan.
Dinarayo rin ang Banawe ng mga residente mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila dahil isa na itong food haven kung saan makikita ang kabi-kabilang restaurant na nagtatampok ng Chinese cuisine.
Patuloy din ang ating mga pagkilos para maitampok ang Banawe District bilang tourism hub ng siyudad.
Idineklara natin ito bilang sarili nating Chinatown district at tourism hub sa bisa ng City Ordinance 2453-2015.
Kaya bilang patikim, may tour tayo sa mga miyembro ng media sa ilang mga piling restaurant sa kahabaan ng Banawe ngayong Biyernes, Enero 24.
Banawe rin ang magsisilbing sentro ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa Enero 29. Isasara natin ang kahabaan ng Banawe, mula Del Monte St. hanggang Catalina St. para bigyang daan ang selebrasyon.
Naglinya tayo nang maraming aktibidad, na magsisimula sa ribbon cutting kung saan makakasama natin ang mga opisyal at mga miyembro ng QC Chinatown Tourism District at QC Chinatown Merchants.
Magkakaroon din ng Dragon at Lion Dance at Street Dance Competition na susundan ng performance ng QC Symphonic Band. Itatampok natin pati ang talento ng mga kabataan mula sa Chinese schools ng lungsod.
Bukod sa amin ni District 1 Rep. Arjo Atayde, magbabahagi ng inspirational messages sina Rorvic Cheng, pangulo ng QC Association of Filipino-Chinese Businessmen, Inc. at Charles Chen, chairman ng QC Chinatown Development Foundation, Inc.
Pagkatapos, pormal na nating ilulunsad ang Banawe bilang tourism district na susundan ng closing remarks ni Vice Mayor Gian Carlo Sotto.
Isang grand fireworks display ang magsisilbing climax ng event pagkatapos ng ilang performance.
Open ang pagdiriwang sa lahat, kaya punta na sa Banawe sa Enero 29!
- Latest