Isda na nakararanas ng depression, binigyan ng ‘pekeng bisita’ para mapawi ang kalungkutan!

Isang sunfish sa Kaikyokan Aquarium sa Shimonoseki, Japan, ang naging sentro ng pansin matapos mapag-alamang ang pagiging matamlay at sakitin nito ay dulot pala ng kalungkutan.

Ang sunfish, na kilala sa kanyang kakaibang hugis at malaking mga mata, ay nagsimulang magpakita ng sintomas ng stress kasabay ng pansamantalang pagsasara ng aquarium noong December 2024 para sa anim na buwang renovation.

Ayon sa mga staff ng Kaikyokan Aquarium, ang sunfish ay dumating sa kanila noong February 2024 mula sa baybayin ng Kochi.

Naging matamlay ito sa pagkain at nagsimulang banggain ang gilid ng kanyang tangke ilang araw matapos ang pagsasara ng pasilidad.

Una itong inakala na may digestive o parasitic issues, ngunit walang nagbago kahit na binawasan ang pagkain at sinubukang aliwin ito sa gitna ng ingay mula sa konstruksiyon.

Sa isang meeting ng staff, iminungkahi ng isa na baka nalulungkot ang sunfish dahil sa pagkawala ng mga bisita.

Sa kabila ng pagdududa, sinubukan nilang maglagay ng standee o cutouts ng mga nakangiting tao sa harap ng tangke nito.

Nagulat ang lahat nang bumalik ang gana ng sunfish sa pagkain. Ayon kay Moe Miyazawa, isang aquarist, “Alam kong pinagmamasdan kami ng sunfish habang inaayos namin ang mga cutouts, pero hindi ko inaasahang kakain ito agad kinabukasan.”

Mula noon, tuluy-tuloy ang paggaling ng sunfish. Nag­desisyon ang mga tagapag-alaga na regular itong dalawin at kumaway sa harap ng tangke bilang karagdagang suporta.

Ang kwento ng sunfish ay mabilis na kumalat online, kung saan milyun-milyong netizens ang nagbahagi ng kanilang suporta at paghanga sa kakaibang solusyon ng aquarium.

Hindi ito ang unang pagkakataon na gu­ma­mit ng malikhaing solusyon ang mga aquarium sa Japan upang masigurado ang kapakanan ng kanilang mga hayop.

Noong panahon ng pandemya, ang Su­mida Aquarium sa Tokyo ay nag-organisa ng video call sessions para sa kanilang mga garden eel na tila naging mahiyain matapos mawalan ng interaksyon sa mga bisita.

Ang tagumpay ng mga hakbang na ito ay nagpapakita ng mahalagang papel ng human interaction sa kalusugan at emosyonal na kapaka­nan ng mga hayop sa mga zoo at aquarium.

Umaasa ang Kaikyokan Aquarium na maraming tao ang babalik sa pasilidad sa muling pagbubukas nito sa darating na summer season.

Show comments