^

PSN Opinyon

EDITORYAL — OFW Hospital bigo sa serbisyo

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — OFW Hospital bigo sa serbisyo

ITINATAG ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital noong Mayo 2022 sa pamumuno ni dating­ Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople. Itinayo ang pitong palapag na ospital sa Pampanga na may 102-bed capacity. Naipatayo ito sa ilalim ng Executive Order No. 154 na inisyu noong Disyembre 2021 sa ilalim ng administrasyon ni dating President Rodrigo Duterte.

Layunin sa pagpapatayo ng ospital na mapaglingkuran ang lahat ng OFWs sa mga pangangailangang­ medical. Hindi lamang ang mismong OFW ang ma­kikinabang sa ospital kundi pati na rin ang benipisyaryo ng mga ito. Sinabi noon ni Ople na ang serbisyong ihahandog ng ospital sa OFWs ay “gold standard”. Ibig sa­bihin, maganda, kumpleto at maayos na medical services ang ipagkakaloob sa OFWs, asawa at anak ng mga ito na walang babayaran kahit isang sentimo. Para ito sa mga “bagong bayani” ng bansa.

Pero ano itong inihayag ng Commission on Audit (COA) na hindi nagamit nang maayos ng DMW ang pondo para sa equipment, gamot at medical supplies. Ayon sa COA, sa unang taon ng operasyon ng ospital ay hindi nagamit ang P292.5 milyong budget­. Ang DMW ang nangangasiwa sa ospital mula noong Enero­ 2023. Ayon sa COA hindi epektibong napanga­siwaan ang consumption ng budget. Hindi rin umano naka­gawa nang maayos na sistema para sa procure­ment, property at inventory management ng ospital para sa unutilized budget. Mariing sinabi ng COA na ang tunay na layunin sa pagpapatayo ng hospital para mag-provide ng libre at maayos na serbisyong medical sa OFWs at mga benepisyaryo nito ay hindi lubusang naipagkaloob.

Ayon sa COA, ang kabuuang unused allocation para sa 2023 ay P78.55 million mula nang buksan ang OFW Hospital noong Mayo 2022. Ang nalalabing unused amount ay nasa 67 percent ng kabuuang pondo sa 2023 na nagkakahalaga ng P319.3 million.

Idinagdag ng COA na hindi nabili ang mga kagamitan dahil sa kapabayaan sa paggamit umano ng inilaang pondo. Kabilang sa mga hindi nabili ang digital mammogram, mechanical ventilators, X-ray machine, dalawang anesthesia machines, test kits at laboratory reagents.

Bigong makapagserbisyo sa OFWs ang hospital­. Umasa pa naman ang mga “bagong bayani” na mayroon silang mapupuntahang ospital sa panahon ng emergency pero hindi pala ito napapangasiwaan nang maayos. Nasaan na ang sinasabing pagkandili sa OFWs?

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with