Panibagong sigla ng Camp John Hay
PINAPANGARAP ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang lubusang paglago ng kalakal o negosyo sa loob ng Camp John Hay nang mabawi nito ang 247-ektaryang inupahan ng pribadong developer.
Sa katunayan, aabot sa P10 bilyon ang inaasahang malilikom na puhunan para matupad ang inaasam-asam na pag-unlad sa dating U.S. rest-and-recreation base sa Baguio City.
Rerepasuhin umano ng BCDA ang comprehensive master plan ng John Hay Special Economic Zone (JHSEZ) upang naaangkop sa panahon ang mga isasagawang mga programa’t proyekto bilang pangunahing ecotourism destination sa Hilagang Luzon at tatamasahin ng lahat ng sektor ng lipunan ang mga benepisyo sa kaunlarang magaganap.
Nais itulad ang pagpapanibagong sigla ng kalakal sa Camp John Hay sa Bonifacio Global City at Clark sa pamamagitan ng mga proyektong imprastrakturang magdudulot ng higit na kapangyarihan sa lokal na komunidad ng Baguio at karatig pook.
Ayon kay BCDA President and Chief Executive Officer Joshua M. Bingcang, maiging susuriin ang JHSEZ na nangangailangan ng pagbabago at tutuklasin ang mga oportunidad ngunit nagsa-alang-alang sa pangangalaga sa likas at kultural na pamana ng Baguio.
Iaatang sa pribadong pamumuhunan sa ilalim ng joint venture scheme ang 70 ektaryang lupang hindi nagamit. Muling ibabangon ang sigla ng negosyo sa makasaysayang Mile-Hi Center.
Ipinangangakong papanatilihin ang likas na ganda ng gubat at open spaces upang pangalagahan ang natural na tanawin ng Camp John Hay bilang “last frontier” ng malawak pang gubat sa loob ng Baguio.
Ipinapangakong aayusin ang mga pampublikong imprastraktura sa Camp John Hay upang kaaya-aya sa turista at mamamayan, bagay na pinabayaan ng dating umupa rito.
Inumpisahan ng magpakita ng siglang mamuhunan ang Manny Pangilinan-led Landco Pacific Corporation bilang interim manager ng The Manor, Forest Lodge at CAP-John Hay Trade and Cultural Center.
Pangungunahan na rin ng consortium na Golfplus Management Inc. (GMI), ang pamamahala sa golf course, samantalang nauna nang nakipagkasundo ang Stern Real Estate and Development Corp., ang operator ng Le Monet Hotel at Filling Station upang higit pang i-develop ang 2,000-square meter na kinatatayuan nito bilang pangunahing leisure at dining destination sa Baguio City.
Lumagda na rin sa isang 15-year commercial lease agreement ang home-grown pizza chain na Amare La Cucina, upang pangunahan ang pagpapa-unlad sa 1,500-square-meter na lote at ng Top Taste and Trading Inc., isang specialty cafe and restaurant, upang upahan ang 800-square-meter lote sa loob ng Camp John Hay.
Sa harap ng kasiglahan sa pagnenegosyong pinapangarap sa Camp John Hay, kapakanan ng mga mamamayan ng Baguio sana ang pangunahing isaalang-alang at ibalanse ang kaunlaran at benepisyo ng taumbayan.
- Latest