Pagbabakuna, gawing new year’s resolution nina lolo at lola
Habang tumatanda tayo, humihina rin ang ating immune system kaya’t nagiging mas madaling kapitan ng sakit. Isa sa mga sakit na ito ang influenza o tinatawag nating trangkaso, na madalas binabalewala dahil tila pangkaraniwan lang na sakit ito tuwing malamig ang panahon.
Ngunit para sa ating mga lolo’t lola, ang trangkaso ay isang seryosong banta na --- kapag napabayaan --- ay maaaring magdulot ng komplikasyon tulad ng pneumonia. Kapag lumala ito, puwede itong mauwi sa pagkamatay, lalo na sa mga hindi bakunado.
Nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga matatanda ang influenza, at 36.3% lang ng mga Pilipino edad 60 pataas ang nababakunahan laban dito. Ito ay nakakaalarmang datos na nangangailangan ng agarang aksyon.
Kaya isa sa ating mga adbokasiya ang paghihikayat ng taunang flu vaccination, lalo na para sa ating mga lolo’t lola. Malaking tulong ito para maiwasan ang ospitalisasyon. Ang bakuna ang nagbibigay ng karagdagang proteksyon para sa katawan, na nagsisilbing pampalakas ng immune system laban sa iba’t ibang uri ng flu virus na patuloy na nagbabago, o nagmu-mutate.
Sa mga may comorbidities o iba pang sakit, ang flu vaccine ay tiyak na makapagliligtas ng kanilang buhay.
Whole-of-society approach sa pagbabakuna
Upang mapaghandaan at mas maging epektibo ang bakuna laban sa sakit, mahalagang mabakunahan ang ating senior citizens bago pa magsimula ang flu season. Karaniwang nagsisimula ang flu season dito sa Pilipinas bandang Enero. Dapat tiyakin na handa ang katawan nila laban sa virus sa panahong pinakalaganap ito.
Bagama't kitang-kita na ang magandang epekto ng bakuna sa mga nagdaang taon, nananatiling mababa ang flu vaccination rate ng senior citizens sa bansa. Dahil dito, kailangan ng masinsinang talakayan kasama ang pamilya, komunidad, healthcare providers, at mga gumagawa ng polisiya upang mas mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng ating senior citizens.
Kasabay nito, dapat bigyang-prayoridad din ng public health campaigns ang pagpapalakas ng kumpiyansa sa para magpabakuna, at gawing mas accessible ang mga ito, lalo na sa mga lugar na kulang ang serbisyong medikal.
Sa barangay level at sa ating mga komunidad, isa sa mga aktibong tumutulong sa adbokasiyang ito ay ang Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE) Coalition, kasama ang ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV).
Simula noong 2022, ginagawa ng RAISE ang kanilang makakaya upang mabigyan ng kaalaman ang ating mga komunidad, i-promote ang preventive healthcare, at palakasin ang tiwala sa bakuna, lalo na sa mga high-risk groups gaya ng senior citizens.
Responsibilidad nating lahat ang proteksyon nila lolo at lola
Vaccination saves lives! Ang pagbabakuna sa ating senior citizens ay responsibilidad din ng mga anak at apo na nag-aalaga sa kanila. Pabagu-bago – at kung minsa’y mas bumabagsik pa – ang mga strain o uri ng flu virus. Kaya kailangang magpabakuna din ang lahat taun-taon.
Sa aming episode ng Okay, Doc na pinamagatang “Kick Off the New Year with Flu Protection for Seniors,” nakasama namin sina Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng PFV; Dr. Rontgene Solante, Lead Convenor ng RAISE; at dating Health Undersecretary at PFV President Dr. Enrique Tayag.
Binigyang-linaw nila, di lamang ang halaga ng pagbabakuna nina lolo at lola, kundi pati na rin ang ilang mga myth o sabi-sabi tungkol sa mga bakuna.
Dahil sa buhay na inililigtas ng mga bakuna, nararapat lang na magtulung-tulong tayo sa pamamahagi ng impormasyon tungkol sa tamang pagbabakuna at kung ano pa ang kaya nating gawin upang masigurong walang senior citizen ang mamemeligro sa mga sakit na kaya namang iwasan.
Simulan natin ang 2025 na binibigyang-prayoridad ang kalusugan, dahil ang malusog na bansa ay nagsisimula sa mga hakbang tungo sa malusog na komunidad, mga hakbang na nagsisimula sa ating mga pamilya.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest