Mahalagang papel ng kababaihan
Hindi matatawaran ang tapang at kabayanihan ng kababaihan sa ating kasaysayan.
Isa sa kanila si Melchora Aquino, o mas kilala bilang “Tandang Sora”. Tinawag din siyang “Ina ng Katipunan” dahil sa pagkupkop at pag-aruga niya sa mga sugatang Katipunero noong panahon ng mga Kastila.
Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, pati na ang hindi mabilang na kababaihan na nag-alay ng kanilang buhay at talento para maiangat ang estado ng mga Pilipina, nagsagawa tayo ng soft opening ng kauna-unahang women’s museum sa kasaysayan.
Isinabay natin ang soft opening sa pagdiriwang ng ika-213 kaarawan ni Tandang Sora.
Ang dalawang palapag na Tandang Sora Women’s Museum ay katabi ng Tandang Sora National Shrine.
Kapag opisyal ng bubuksan sa publiko, makatutulong ang museo para matuto at makakuha ng inspirasyon mula sa buhay ni Tandang Sora bilang babae at rebolusyunaryo, pati na sa iba pang kababaihan na gumawa ng marka sa ating kasaysayan at lipunan.
Makikita sa ground floor ng museo ang exhibit area, ang “Isip at Gawa” creativity corner, reception area, audio-visual room, at sari-saring art pieces.
Nasa ikalawang palapag naman ang special exhibit at ang “HER-storical Philippine Timeline,” kung saan nakadetalye ang papel ng kababaihan sa kasaysayan at pag-unlad ng bansa, mula sa pre-colonial hanggang sa kasalukuyang panahon.
Sa tulong ng serye ng infographics, matututo naman ang mga bisita tungkol sa Babaylan bilang community faith healer, papel ng kababaihan sa religious sector at peacebuilding, at kanilang mga kontribusyon sa rebolusyon.
Makikita rin dito ang timeline ng pagsisimula ng mga organisasyong pinangungunahan ng kababaihan, mula sa all-women unions na nagsusulong ng patas na karapatan sa paggawa, at mga advocacy groups na nagsusulong ng patas na pagtrato, at kanilang mga kontribusyon sa pulitika, sining, agham, at media.
May mga libro rin at kuwento tungkol sa “Women in Action,” kung saan tampok ang kasaysayan ng women’s movement sa bansa.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsasaayos ng museo at isinasapinal ang operating hours para sa ganap na pagbubukas nito sa publiko.
Abangan sa ating official social media pages ang petsa ng pagbubukas ng museo.
- Latest