EDITORYAL — Patuloy na pagtaas ng gas, pahirap!
KAHAPON, muli na namang tumaas ang presyo ng petroleum products. Nagtaas ng 80 centavos bawat litro ang gasoline at kerosene at 90 centavos naman sa diesel. Ito ang ikalawang sunod na pagtataas ng petroleum products ngayong 2025. At may mga susunod pa raw na pagtataas sa mga susunod na linggo. Ang mga nangyayaring kaguluhan sa Middle East at ang patuloy na giyera ng Russia at Ukraine ang sinasabing dahilan ng oil price increase.
Ang patuloy na pagtaas ng petrolyo ay pinangangambahan namang pagsisimulan ng pagtaas din ng iba pang pangunahing bilihin lalo na ang bigas, gulay at karne. Dahil gumagamit ng gasolina at diesel ang mga sasakyang nagta-transport ng mga produkto, tiyak na magtataas din ng presyo ang mga pangunahing bilihin. Ang bigas kahit pa sinabi ng Department of Agriculture na may maximum suggested retail price (SRP) na P65.00 bawat kilo, posibleng may mga negosyanteng itaas pa ito. Ikakatwiran na mataas ang diesel kaya dapat itaas din ang presyo ng bigas.
Ang mga karaniwang mamamayan ang apektado ng pagtataas ng petroleum products. Habang patuloy ang pagtaas ng gas at mga pangunahing pangangailangan, naiiwan naman ang suweldo ng mga karaniwang mamamayan. Ang kanilang suweldo ay hindi na makasapat dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin. Paano pa ang may pinag-aaral na anak? Paano pagkakasyahin ang suweldo?
Kasabay sa walang tigil na oil price increase, nag-anunsyo rin naman ang dalawang water companies na magtataas sila ng singil. Ang singil sa kuryente ay nagbabadya ring tumaas. Kamakailan sinabi ng LRT na magtataas sila ng singil sa pasahe. Paano kung sumunod na mag-anunsyo ang iba pang transport group?
Sa kabila ng sunud-sunod na pagtaas ng petroleum products, wala namang ginagawang aksiyon ang pamahalaan para mapagaan ang pasanin ng mamamayan kaugnay sa nangyayaring ito. Dedma lang?
Hahayaan na lang ba na gumapang sa hirap ang mga mahihirap dahil sa epekto ng sunud-sunod na oil price increase.
Noong 2023, nagbigay ng fuel subsidies ang pamahalaan sa lahat ng PUV drivers. Ito ay upang matulungan ang mga drayber sa araw-araw na pamumuhay na sinagasaan ng pandemya. Hindi ba puwedeng ipagpatuloy ito?
Kung hindi ito magagawa, maari namang suspindihin ang excise tax sa petrolyo. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (Republic Act 10963) o TRAIN Law na maaaring suspendihin ang tax sa petroleum products kapag somobra na ang presyo ng crude oil bawat bariles. Ipatupad ito para mapagaan ang pasanin ng mga nagdarahop sa buhay. Saka na lang ibalik ang tax kapag naging normal na ang lahat.
- Latest