Sana malinis na ang imahe ng PNP
MABUTI at paminsan-minsan ay may magandang balita tayong natatanggap. Kakasuhan na ng DOJ ang 30 pulis kabilang ang dalawang heneral dahil sa pagtatanim ng ebidensiya at sinadyang maling paghawak ng kaso laban kay MSgt. Rodolfo Mayo na may kinalaman sa 990 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon noong Oktubre 8, 2022.
Nasiwalat na pineke ang pag-aresto kay Mayo noong Oktubre 9, 2022 dahil inaresto siya noong Oktubre 8. Sa nakuhang 990 kilo ng shabu, lumabas na may komisyon sa pamamagitan din ng shabu ang itinabi ng mga pulis na “nahuli” naman sa Camp Crame.
May CCTV kung saan alam na ng dalawang heneral ang mga nakuhang shabu sa warehouse na pag-aari ni Mayo. Tila gustong maabsuwelto si Mayo para maipagpatuloy ang kanyang operasyon sa iligal na droga. Paano nga naman siya nagkaroon ng 990 kilo ng shabu?
Matagal ko nang sinasabi na tila may mga sindikato sa loob ng PNP mismo. Isang halimbawa na nga ito. Hindi ka magtataka kung bakit ito nagaganap.
Sila ang may kapangyarihang manghuli, at magpakawala para sa tamang presyo. Sila rin ang nasa posisyon kung ano ang gagawin sa mga nahuhuling droga.
Ang dapat ay sinisira ang mga droga pero lumalabas na pinagkikitaan din ng mga nanghuhuli. Ninja cops. Sino ang huhuli sa kanila kundi ang matatag at tapat na pulis din. Walang magagawa ang ordinaryong mamamayan sa takot na mapatay sila at palabasin na sila pa ang kriminal.
Kaya sino ang malalapitan pa ng mamamayan? Ang tungkulin ng PNP ay magbigay ng proteksiyon at manilbihan sa publiko. Kabilang na riyan ang pagsugpo ng kriminalidad.
Hindi sila dapat masangkot sa kriminalidad. Pero maya’t maya may mariring tayong maruruming pulis na sangkot sa kung anu-anong krimen.
Mabuti at sinisibak ng pamunuan ng PNP ang masasamang damo sa kanilang hanay. Pero may nakakalusot pa rin. Baka nga marami pa riyan na hindi pa nahuhuli, o baka pinababayaan na lang.
Walang mas ikatutuwa ng mamamayan kundi ang tapat at matatag na PNP. Pulisya na mapagkakatiwalaan at hindi katatakutan. Mabuti at nahuhuli at kinakasuhan ang mga tiwaling pulis. Pero ang tanong, sila lang ba? Sana lahat na. Ilang taon nang nais ng PNP linisin ang kanilang imahe. Sana, makamit na nila iyon.
- Latest