Social media influencer sa China, binatikos nang maglagay ng makeup habang nanganganak!
ISANG babae sa Taiyuan, Shanxi province, sa hilagang bahagi ng China ang umani ng kontrobersya matapos mag-makeup habang nasa kalagitnaan ng pagli-labor. Ang ginawa niyang ito ay naging usap-usapan online, na nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa Chinese netizens.
Ang babae, na nakilala lamang sa apelyidong “Jia”, ay nagbahagi ng video kung saan makikitang nilalabanan niya ang sakit ng labor contractions habang naglalagay ng makeup.
Sa kabila ng nararamdamang kirot, patuloy niyang tinapos ang kanyang makeup routine, na kinabibilangan ng paglalagay ng foundation, concealer, eyeliner, blush, at false eyelashes.
Sa video, makikita na kahit nasa gitna ng mas malalakas na contraction, sinigurado niyang hindi mawawala ang kanyang mga “essentials,” tulad ng blush at lip gloss.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Jia na nais niyang magpakita ng positibong imahe sa kanyang isinisilang na anak. Aniya, “Gusto kong salubungin ang aking sanggol na nasa pinakamaganda kong hitsura.”
Dagdag pa niya, ang makeup ay simbolo ng kanyang positibong pananaw sa kabila ng sakit na dinaranas. Gayunpaman, sa huli ay nagdesisyon siyang tanggalin ang makeup bago ang aktwal na panganganak.
Ayon sa kanya, mahalaga ang natural na anyo para sa obserbasyon ng mga doktor sa kalagayan ng pasyente.
Ang viral na video ni Jia ay nagdulot ng diskusyon sa social media. Habang may mga humanga sa kanyang determinasyon, marami rin ang tumutol, sinasabing mas mahalaga ang kaligtasan ng ina at sanggol kaysa sa pagpapaganda.
Ayon sa isang medical student na nagkomento sa social media, “Bilang isang medical student, hindi ko nirerekomenda ang pagsusuot ng makeup habang nasa labor. Kailangang makita ng mga doktor ang mga palatandaan sa mukha tulad ng kulay ng labi upang masuri ang kalagayan ng pasyente.”
Isa pang kritiko ang nagbigay ng opinyon, “Maganda para sa iyong sanggol? Hindi pa nga nito alam ang nangyayari! Ginawa mo ito para sa social media.”
Para sa iba, ang ginawa ni Jia ay tila paraan upang magpakitang-gilas sa social media, imbes na magpokus sa proseso ng panganganak.
Sa kabila ng mga kritisismo, nananatili si Jia sa kanyang paniniwala na ang pagiging maayos ay maaaring magbigay-inspirasyon sa ibang mga ina.
- Latest