EDITORYAL - Daming ‘anay’ na sumisira sa PNP
Isa sa mga dahilan kaya bumabagsak ang imahe ng Philippine National Police (PNP) ay dahil sa pagkakasangkot ng mga pulis sa illegal na droga. Dahil sa pagkagahaman nila sa pera mula sa droga, nasisira ang kanilang reputasyon at kasabay nito, nasisira rin ang PNP. Ang mga pulis na kasangkot ang mistulang “anay” na sumisira sa organisasyon. Dahil sa masamang gawain na ginagawa ng mga pulis, hindi na sila pinagtitiwalaan ng mamamayan. Masakit sabihin, kapag nakikita ang asul na uniporme ng mga pulis, masama na ang nagiging kahulugan.
Halos lahat ng mga nangyayaring kontrobersiya sa PNP ay kinasasangkutan ng illegal na droga. Kapag may nasibak na mga pulis, ang dahilan ay sangkot sila sa illegal na droga. Maraming pulis ang inaakusahang nagre-recycle ng mga nakumpiska nilang shabu. Hindi lahat ng kanilang nakumpiska ay nire-remit o sinusurender para maging ebidensiya. Binabawasan nila ang nakumpiskang shabu at saka ibebenta uli sa kalye. Kaya nga tinawag na “recycle”. Ang nagyayari, paikut-ikot lang ang droga. Isang dahilan din ito kaya hindi maubus-ubos ang shabu sa kabila na maraming nakukumpiska.
May mga pulis na nagtatanim ng ebidensiya para madiin ang kanilang inaakusahan. Matagal nang praktis ang pagtatanim ng shabu para pagkaperahan ang isang tao. Garapalan na ang ginagawa ng mga pulis. Karaniwang mga pulis na naka-assigned sa drug enforcement unit ang nasasangkot sa pagtatanim ng shabu at sila rin ang mga inaakusahang “nagsusubi” ng mga nakukumpiskang droga.
Noong Oktubre 8, 2022, nakasamsam ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ng 900 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Tondo, Maynila. Sa report, sinasabing naaresto ang pulis na si Master Sergeant Rodolfo Mayo. Nangyari umano ang pagkumpiska at pag-aresto kay Mayo sa the WPD Lending office. Ang mga umaresto ay mga miyembro rin ng PDEG.
Subalit nagkaroon ng bagong kuwento ang itinuturing na pinakamalaking drug haul sa kasaysayan. Ito ay nang sampahan ng Department of Justice-National Prosecution Service (DOJ-NPS) ng kaso ang 30 pulis, kabilang ang dalawang heneral, dahil sa “planting of evidence” at mishandling kaugnay sa pagkakasamsam ng 900 kilo ng shabu. Sa resolusyon, sinabi ng DOJ prosecutors na nabigo ang mga opisyal na magsagawa ng legal na pag-aresto sa pulis na sangkot sa drug trade at isa pang indibidwal na inakusahan ng drug trafficking.
Sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act sina LtGeneral Benjamin Santos Jr., Brigadier General Narciso Domingo, at 28 pang pulis.
Marami pang “anay” sa PNP. Hangad ng taumbayan na malipol ang mga “anay” upang maisalba ang pambansang pulisya.
- Latest