Sikat na artista sa Japan, tinanggal na endorser ng beer matapos malasing!
Tinanggal ng kompanyang Asahi Beer, ang Japanese actor na si Ryo Yoshizawa bilang endorser nito matapos nitong pasukin ang apartment ng kanyang kapitbahay nang walang pahintulot.
Ang insidente ay naganap noong Disyembre 30, 2023, sa Minato-ku, Tokyo.
Ayon sa mga ulat, lasing na lasing si Yoshizawa nang aksidente siyang makapasok sa apartment na katabi ng kanyang tirahan. Sinabi ng aktor na bukas ang pinto at nagkamali lamang siya ng pasok.
Nanatili siya sa loob nito ng limang minuto bago umalis. Kinumpirma rin ng kanyang talent agency na lasing ang aktor at humingi ito ng paumanhin sa naapektuhang kapitbahay.
Nakilala ang aktor na si Yoshizawa sa kanyang pagganap sa mga live-action adaptation ng mga sikat na anime series tulad ng Tokyo Revengers, Gintama at Bleach.
Sa pahayag ng Asahi Beer, hindi katanggap-tanggap para sa isang kompanya ng inuming alkohol ang ganitong kilos, kaya’t napagdesisyunang tapusin ang kontrata ni Yoshizawa.
Ang aktor ay naging endorser ng kanilang kompanya para sa “Asahi Super Dry Dry Crystal” noong 2023. Ang naturang produkto ay isang uri ng beer na mababa ang alcohol content at pino-promote bilang hindi masyadong nakalalasing.
Matapos pumutok ang balita, tinanggal ng kompanya ang mga promotional pictures ni Yoshizawa mula sa kanilang official website.
Naglabas din ng paumanhin ang ahensiya ni Yoshizawa sa publiko at sa mga naapektuhang partido. Lumipat na rin ng tirahan ang aktor matapos ang insidente.
Ang pangyayaring ito ay naganap sa gitna ng pagbabago sa panlasa ng mga Hapones pagdating sa alak, kung saan mas dumarami ang tumatangkilik sa low-alcohol at non-alcoholic na inumin.
Sa kabila ng kanyang tagumpay bilang aktor, nadungisan ang reputasyon ni Yoshizawa dahil sa kontrobersiyang ito.
- Latest