KOJC suportado ang INC sa nationwide prayer rally
SINABI ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) congregation sa ilalim ni Pastor Apollo Quiboloy na nakikiisa sila sa Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdarasal para sa idaraos na nationwide prayer rally bukas na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa ipinalabas na statement ng KOJC, kasama umano sila sa panalangin ng INC na sana ay makamtan ang kapayapaan sa bansa sa gitna ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng mga Pilipino.
Ayon sa KOJC, tinatayang 300,000 hanggang 500,000 ng kanilang mga miyembro ang inaasahang lalahok sa prayer rally na gaganapin dito sa Davao City.
Ang bilang na ito ayon sa KOJC ay bukod pa sa maraming miyembro na lalahok naman sa prayer rally sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Kaya kaabang-abang ang mga mangyayari bukas sa gagawing prayer rally. At sana ay maging mapayapa ang isasagawang prayer rally at makamtan na nga ang kapayapaan sa ating bansa.
Si Pastor Quiboloy ay naaresto ng Philippine National Police (PNP) noong Setyembre 8, 2024 sa Davao City sa pamumuno ni General Nicolas Torre III, ngayon ay CIDG chief. Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong sexual abuse at human trafficking at may kinakaharap na kasong sexual trafficking sa United States.
Dalawang warrant of arrest ang pinalabas laban sa kanya. Kasama niyang naaresto sina Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes at Jackiely Roy. Ang isa pang kasama nila na si Paulene Canada ay unang naaresto ng PNP. Nagpalabas ng reward money para maaresto si Quiboloy at mga kasama.
Noong Nob. 27, 2024, inilipat sa Pasig City Jail si Quiboloy sa utos ng Pasig City Regional Trial Court Branch 159, mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
- Latest