Tattoo artist sa U.S., binabatikos matapos tatuan ang 9-anyos na batang babae!
ISANG tattoo artist mula Arizona, USA ang naging sentro ng kontrobersiya matapos mag-viral ang kanyang video kung saan tinatatuan niya sa braso ang isang siyam na taong gulang na batang babae.
Ang nasabing tattoo artist, na kilala bilang “Sosa”, ay kabilang sa Black Onyx Empire Tattoo at siya mismo ang nagbahagi ng video sa social media.
Ayon kay Sosa, gusto sana ng hindi pinangalanang bata na mukha ni Donald Trump ang ipa-tattoo sa kanyang leeg, ngunit pinayuhan niya itong magpalagay na lamang ng mas simpleng tattoo sa braso.
Sinabi rin niyang ginawa niya ang lahat ng hakbang upang tiyaking gusto talaga ng bata na magpa-tattoo.
Sa kabila ng legalidad ng naturang proseso sa Arizona kung may pahintulot ng magulang, maraming netizens at kapwa tattoo artists ang kinuwestiyon kung tama ang desisyon ni Sosa.
Ang state of Arizona ay pinapayagan ang pagta-tattoo sa mga menor-de-edad basta’t naroroon mismo ang kanilang magulang o legal guardian sa oras ng pagta-tatttoo.
Ipinaliwanag ni Sosa na ang bata at ang pamilya nito ay mga turista mula sa Turkey at bahagi umano ng kanilang tradisyon ang pagkakaroon ng tattoo.
Aniya, nagpapasalamat ang pamilya sa pagkakataong makapagpa-tattoo sa U.S. bilang simbolo ng kanilang pagkilala at paghanga sa bansa. “Nakikita nila si Donald Trump bilang isang bayani,” dagdag pa ni Sosa.
Bagamat legal, maraming netizens ang tumuligsa kay Sosa sa social media. Binatikos ang pamilya at ang tattoo artist, na sinabing hindi tamang bigyan ng tattoo ang mga bata kahit pa may pahintulot ng magulang.
Nagdulot din ito ng negatibong epekto sa reputasyon ng Black Onyx Empire Tattoo, na nakatanggap ng mga masasamang review online.
Sa kabila nito, nanindigan si Sosa na ang kanyang desisyon ay may basehan at hindi niya intensiyon na hikayatin ang ibang bata na magpa-tattoo.
Ayon kay Ben Shaw ng Alliance of Professional Tattooists, ang ganitong uri ng kontrobersiya ay nakasisira sa tattoo artists. “Kung may 10 years old na bata na nakapagpa-tattoo mula sa isang professional na tattoo shop, nagdudulot ito ng masamang imahe para sa amin,” aniya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang debate sa online tungkol sa etikal na aspeto ng insidenteng ito, kung saan naging leksiyon ito sa pagsasaalang-alang ng mga epekto ng bawat desisyon—legal man o hindi.
- Latest