Sosyal na apartment sa Shanghai, China, ginawang manukan ng nangungupahan!
Isang landlord sa Shanghai ang nagulantang nang madiskubre niyang ang kaniyang paupahang apartment ay ginawang manukan ng nangungupahan, na nagdulot ng matinding pinsala sa ari-arian.
Ang kuwentong ito ay mabilis na nag-viral sa social media ng China, na nag-udyok ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens.
Ayon sa ulat, dalawang taon nang hindi binisita ng may-ari ang kanyang bahay hanggang sa bisitahin niya ito kamakailan.
Sa kanyang pagpasok, bumulaga ang mga kulungan ng manok sa living room, kasama ang mga sisiw na malayang gumagala at lumilipad sa loob ng bahay.
“Amoy ipot ng manok ang buong apartment. Sira ang sahig at dingding. Kailangan itong kumpunihin nang husto bago matirahan ulit,” anang landlord.
Dagdag pa niya, ang renta sa nakalipas na dalawang taon ay hindi sapat upang matustusan ang kinakailangang pagsasaayos.
Hindi lamang ang landlord ang naapektuhan. Ayon kay Ginang Wu, isa sa mga kapitbahay, matagal na nilang inirereklamo ang masangsang na amoy.
Ngunit imbes na ayusin ang sitwasyon, isinara lamang ng nangungupahan ang mga bintana ng bahay, na lalo pang nagpalala sa pinsala.
Ayon kay Zhang Ying, isang abogado mula sa Jilin Subang Law Firm, pinapayagan ng Civil Code ng China ang landlord na wakasan ang kontrata sa tuwing binabago ng nangungupahan ang orihinal na gamit ng ari-arian.
Maaari rin umano ang landlord na humingi ng danyos dahil sa hindi makatwirang paggamit ng bahay.
Maraming Chinese netizens ang naghayag ng kanilang galit at pagkadismaya sa nangungupahan. “Napaka-iresponsable ng nangungupahan. Dapat siyang managot sa ginawa niyang pinsala,” komento ng isang netizen.
Ang iba naman ay nagtaka kung paano nakakayanan ng nangungupahan na mamuhay sa ganoong kondisyon.
Sa kasalukuyan, humihingi ng payo ang landlord mula sa mga netizens kung paano haharapin ang sitwasyon. Iniulat din na nagsampa na siya ng reklamo sa pulisya upang panagutin ang nangungupahan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na napabalita ang ganitong insidente sa China. Noong 2021, isang babae sa Shanghai ang nagsampa ng kaso laban sa kanyang renter dahil sa pag-renovate ng kanyang apartment nang walang pahintulot.
Patuloy na nagiging aral ang mga ganitong kwento para sa mga nagpapaupa na regular na suriin ang kanilang mga ari-arian upang maiwasan ang ganitong mga problema.
- Latest