EDITORYAL - Hanapin nagtatagong POGO workers!
Disyembre 31, 2024 ang huling araw ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Nakasaad ito sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos noong Nobyembre. Makalipas ang petsang nabanggit, aarestuhin na ang POGO workers at sapilitang itatapon sa kanilang bansa. Halos lahat ng POGO workers ay mga Chinese. Marami nang naipatapon na illegal POGO workers mula nang salakayin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang mga POGO hubs sa Metro Manila at mga probinsiya noong nakaraang taon. Kabilang sa mga sinalakay ang POGO hubs sa Bamban, Tarlac na pag-aari umano ni dating Mayor Alice Guo na ngayon ay nakakulong dahil sa iba’t ibang kaso. Sinalakay din ang POGO hub sa Porac, Pampanga kung saan maraming Chinese ang illegal na nagtatrabaho.
Subalit lubhang malayo pa bago tuluyang madurog ang POGO sa bansa sa kabila na binigyang taning na ang mga ito noong Disyembre 31. Paano’y napakarami pa pala ng illegal POGO workers na nasa bansa at hinihinalang nagtayo na ng sarili nilang POGO. Karamihan umano sa mga illegal POGO workers ay nagtayo ng sarili nilang POGO sa mga probinsiya at ginagawang front ang mga resort at café restaurant. Ito ang ginagawa ng mga dayuhang POGO workers para hindi mabuking ng mga awtoridad ang kanilang operasyon.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na mahigit 11,000 POGO workers ang nananatili pa sa bansa sa kabila na nagtapos na ang taning para umalis sila ng bansa. Ayon sa BI, halos lahat ng 11,000 POGO workers ay mga Chinese. Ang mga POGO workers na ito ayon pa sa BI ay nabigong ma-downgrade ang kanilang working visa sa pagiging tourist. Nang abutan umano ng deadline ay ipinasya na lamang magtago. Ang mga ito umano ang pinaghahanap ngayon ng BI. Patuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng BI sa iba pang mga ahensya para malaman ang lokasyon ng mga Chinese na dating POGO workers.
Sabi ng BI, noong Disyembre, nakapag-deport na sila ng 22,609 at kung hindi nagtago ang 11,000, dapat ay papalo sa kabuuang 33,863 ang kanilang naipatapon. Ayon sa BI, mas maganda kung susuko ang mga hinahanap na illegal POGO workers o tugisin pa sila. Sinabi ng BI na maaaring ang ilan sa mga nagtatago ay bumuo at nagtayo na ng sarili nilang gaming operations.
Gawin ng BI ang lahat nang paraan para mahuli ang mga nagtatagong illegal POGO workers. Kung hindi mahuhuli at maitatapon ang mga Chinese, posibleng ang BI ang mabuntunan ng sisi. Nang dumagsa ang POGO workers sa bansa noong 2017 hanggang 2020, marami sa kanila ang nagsuhol sa mga corrupt BI personnel para makapasok. Tinawag itong “pastillas scam”. Hindi kaya maulit ito ngayon na maraming nakatakas na Chinese?
- Latest