Isang plato ng saging, misteryosong lumilitaw sa isang kalye sa England!
Nagtataka ang mga residente ng isang maliit na bayan sa Nottinghamshire dahil sa misteryosong paglitaw buwan-buwan ng isang plato ng mga binalatang saging sa kanilang kalye!
Ayon sa mga residente, higit isang taon nang iniiwan ang 15 hanggang 20 piraso ng saging sa parehong lugar—sa kanto ng Abbey Road at Wensor Avenue.
Ang nakakapagtaka dito ay walang nakakakita kung sino ang gumagawa nito.
“Ito’y nangyayari kada buwan. Napansin ko ito habang papasok sa trabaho,” sabi ni Clare Short, isang residente. “Sinubukan kong magtanong sa mga kapitbahay pero wala ni isa ang may alam kung sino ang gumagawa nito.”
Iba-iba ang reaksyon ng mga tao sa insidenteng ito. Habang ang iba’y naiirita sa amoy ng nabubulok na saging, ang ilan naman ay naaaliw sa misteryo.
“Ilagay man nila sa plato, hindi ito ginagalaw ng mga hayop. Nabubulok lang ito. Medyo nakakainis dahil nagiging kalat sa lugar namin,” komento ni Janet Hutchinson, 81-anyos na residente.
Ayon naman kay Josh Trentham, 26, “Nakakainis at nakakapagtaka. Walang nakakaalam kung bakit nangyayari ito.”
May iba ring naniniwala na ito’y maaaring isang alay na may kinalaman sa relihiyon.
Ayon sa teorya ng ilang residente, ang saging ay maaaring bahagi ng isang Hindu ritual kung saan ang mga prutas tulad ng saging ay iniaalay para sa kasaganaan at magandang kapalaran.
Ang ilang plato ay natagpuang may patak ng parang pulot, na may kahulugan din sa mga panrelihiyong tradisyon.
“Sa simula, akala ko ito’y para sa mga hayop, pero wala namang kumakain nito,” sabi ni James Oviedo, isa pang residente.
Dahil sa iritasyon ng iba, naglagay ng karatula ang ilang residente na nagsasabing: “PAKIUSAP, HUWAG NANG MAGLAGAY NG SAGING! SALAMAT.”
Ngunit kahit ito’y nakalagay na, patuloy pa rin ang pagdating ng misteryosong plato ng saging.
“Sinubukan kong tanggalin ang karatula dahil ayokong palakihin pa ang isyu. Pero sana naman, kung sino man ang gumagawa nito, bumalik na lang para linisin ang kalat pagkatapos,” dagdag ni Clare.
May ilang residente na nagpaabot ng reklamo sa pulisya, ngunit nananatili pa ring misteryo kung sino ang nasa likod ng kakaibang pangyayaring ito.
- Latest