Car-Free, Carefree Tomas Morato!
NITONG unang Linggo ng 2025, sinimulan na natin ang Car-Free, Carefree Tomas Morato Day.
Ito’y kasunod ng pag-apruba natin sa Ordinance No. SP-3345, S-2024 o “Sunday Car-Free, Carefree Tomas Morato” na iniakda ni 4th District Councilor Irene Belmonte.
Sa ordinansang ito, gagawing car-free na ang bahagi ng Tomas Morato tuwing unang Linggo ng bawat buwan, mula Scout Rallos hanggang Don. A. Roces Avenue.
Kaya puwede nang mag-ehersisyo o maglakad-lakad kasama ang pamilya o mga alagang aso sa bahaging ito ng ating lungsod ng isang beses kada buwan.
Nitong Linggo nga, nakiisa tayo sa mga nagzu-zumba, nagja-jogging, tumatakbo at mga nagbibisikletang QCitizens, bagay na imposible noong una dahil ang Tomas Morato ay isa sa pinaka-busy na kalsada sa ating lungsod, lalo na tuwing rush hour o araw ng gimik.
May dalawang bahagi ang pagpapatupad ng Ordinansa. Ipatutupad ang Phase 1 tuwing unang Linggo ng bawat buwan mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga.
Matapos ang isang taon, ipatutupad ang Phase 2, kung saan isasara ang bahagi ng Tomas Morato bawat ikalawang linggo ng buwan.
Layunin ng Car-Free Sundays na maisulong ang Quezon City bilang pangunahing tagapagtaguyod ng active mobility at sustainability.
Pakay din nitong bigyang-diin ang aktibong lifestyle, bawasan ang vehicular emissions, at lumikha ng mas malinis na kalikasan.
Bukod pa riyan, makatutulong ang hakbang na ito para mapalakas ang mga negosyo sa pamamagitan ng foot traffic na dulot ng mga QCitizens na maglalakad o mag-e-ehersisyo sa nasabing lugar.
Sa ilalim ng ordinansa, magtatakda ang Traffic and Transportation Management Department ng parking area at rerouting scheme.
Wala namang dapat ikabahala tuwing may emergency dahil papayagang makapasok ang mga truck ng bumbero, ambulansiya, police mobile, barangay patrol, emergency response, at rescue vehicles.
Papapasukin din ang mga sasakyan ng Meralco, Manila Water Company, at telecommunication companies, basta’t ang pasilidad na nangangailangan ng emergency repair ay nasa loob ng car-free zone.
- Latest