BAR SA ISANG BEACH, NATUKLASAN NA SINAUNANG KABAONG ANG MESA NA KINAKAINAN NG KANILANG CUSTOMERS!
ISANG bar sa beach sa Bulgaria, ang natuklasan na sarcophagus o sinaunang kabaong ang ginagamit nilang mesa!
Ayon sa ulat, isang dating pulis na nagbabakasyon sa Saint Constantine and Helena, isang resort town sa baybayin ng Black Sea, ang nakapansin sa kakaibang mesa sa Radjana Beach Bar.
Sa unang tingin, mistulang isang antigong bato lamang ito, ngunit nang lapitan, napansin ang detalyado nitong ukit na nagtatampok ng mga bulaklak, hayop, at simbolo ng garland—karaniwang disenyo sa mga Roman sarcophagus.
Ipinagbigay-alam ng turista ang kanyang natuklasan sa lokal na awtoridad. Matapos suriin ng mga archeologists mula sa Regional History Museum ng Varna, nakumpirma nilang tunay na Roman sarcophagus ito na posibleng 1,700 years old na ito. Wala na itong takip, na pinalitan ng slab na ginamit bilang mesa.
Matapos ang masusing pagsusuri, inilipat ang sarcophagus sa Archaeological Museum ng Varna para mapangalagaan at higit pang mapag-aralan.
Ayon sa mga eksperto, hindi karaniwan ang disenyo nito sa lugar, kaya posibleng dinala ito mula sa ibang bahagi ng Bulgaria.
Hindi malinaw kung paano napunta ang sarcophagus sa dalampasigan o kung sino ang nagpasya nitong gawing bahagi ng beach bar. Isang pre-trial investigation ang kasalukuyang isinasagawa upang alamin ang pinagmulan nito.
Ayon kay Alexander Minchev, isang arkeologo, lahat ng yamang pangkultura ay pag-aari ng estado, at obligasyon ng sinumang makakita ng ganitong bagay na ito ay isumite sa pinakamalapit na museo.
Ang pagkakatuklas dito ay muling nagbigay-pansin sa problema ng looting o ilegal na pagkuha ng mga artifacts sa Bulgaria.
Ang nasabing bansa ay mayaman sa kasaysayan ngunit kulang sa pondo para sa mga paghuhukay. Matagal nang nahaharap ang bansa sa hamon ng pagpapanatili ng mga kayamanang pangkultura nito laban sa pandaigdigang black market.
Ang Varna ay kilalang lugar ng mga makasaysayang archeological finds, kabilang na ang Gold of Varna, ang pinakamatandang ginto sa mundo.
Sa kabila ng mga hamon, ang pagkatuklas sa sarcophagus ay muling nagpapatunay sa kahalagahan ng pagprotekta sa mga pamanang ito para sa susunod na henerasyon.
- Latest