EDITORYAL — May namatay na naman dahil sa bawal na paputok
DALAWA ang namatay dahil sa paputok habang sinasalubong ang 2025. Gaano ito kalungkot na habang sinasalubong ang pagpapalit ng taon ay nag-aagaw buhay naman ang nasabugan ng paputok. Kailan walang mamamatay dahil sa paputok? Kailan magseselebreyt ng Bagong Taon na buung-buo ang bahagi ng katawan? Ang mga tanong na ito ay hindi magkakaroon ng magandang kasagutan hangga’t ang pamahalaan ay walang matigas na paninindigan na ipagbawal nang tuluyan ang paggawa at pagbebenta ng paputok. Hangga’t ang pamahalaan ay walang pakialam kung may masabugan, mabulag, maputulan ng braso at daliri dahil sa paputok, magpapatuloy ang masamang praktis na ito taun-taon. At higit sa lahat, hangga’t ang pamahalaan ay walang pakialam kung lumubha man ang kalidad ng hangin sa bansa dahil sa pagpapaputok.
Ngayong pagsalubong sa 2025, umabot na sa 771 ang mga biktima ng paputok sa buong bansa. May mga naputulan ng daliri, nabulag, nasunog ang mukha, nakalunok ng watusi at iba pang trahedya.
Ang nakahihilakbot, dalawa ang namatay dahil sa illegal na paputok. Ang unang biktima ay isang 78-anyos na magsasaka sa Central Luzon na matinding nasabugan sa katawan ng sinindihang Judas Belt. Ayon sa report, inilatag ng magsasaka ang Judas Belt sa kalsada at saka sinindihan. Subalit naging mabilis ang pangyayari at sabay-sabay na sumabog sa katawan ng magsasaka ang Judas Belt. Dinala siya sa ospital subalit namatay din dahil sa mga sunog sa katawan.
Ang ikalawang biktima ay isang 44-anyos na lalaki na hindi binanggit ng Department of Health (DOH) kung saan nangyari. Namatay umano ang lalaki dahil sa sinindihang triyanggulo. Nang pumutok ang triyanggulo, isang bato ang lumipad at tumama sa ulo ng lalaki na agarang ikinamatay nito.
Ayon pa sa DOH, isa ang namatay makaraang tamaan ng ligaw na bala habang nagseselebreyt ng New Year sa labas ng kanilang bahay. Ang biktima ay 19-anyos na lalaki mula sa Davao del Norte. Bigla na lamang bumagsak ang lalaki at may tama na ng bala sa katawan.
Hangad ng mga awtoridad na zero casualty ang pagdiriwang ng Bagong Taon 2025. Pero hindi ito natupad sapagkat may mga namatay at nasugatan. Mas marami (27.6 percent) ang naging biktima ng paputok ngayong 2025 kaysa 2024.
Hindi magkakaroon ng katuparan na maging zero casualty ang pagdiriwang ng Bagong Taon hangga’t hindi lubusang ipinagbabawal ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Isang malaking kahangalan na mangarap na walang masusugatan sa gitna nang kaluwagan at walang ngipin na pagbabawal kuno sa paputok.
- Latest