EDITORYAL - Lalo pang dumumi ang hangin sa Metro Manila
TATLONG siyudad sa Metro Manila ang naitalang may ‘‘pinakamaruming hangin’’ makaraan ang pagdiriwang ng Bagong Taon noong Miyerkukes. Ayon sa monitoring ng Environment Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang tatlong siyudad na may pinakamaruming hangin ay ang Makati, Pasay at Taguig. Ayon sa EMB, ang kalidad ng hangin sa tatlong nabanggit na lungsod ay ‘‘accutely unhealthy’’. Naitala naman ang mahusay na kalidad ng hangin sa Parañaque. Hindi naitala ang kalagayan ng hangin sa iba pang lungsod dahil inaayos pa umano ang monitoring station.
Kung naisaayos ang monitoring stations ng DENR sa buong Metro Manila, tiyak na lalabas na halos lahat ay unhealthy ang hangin dahil sa dami ng mga nagpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Halos wala nang makita sa papawirin dahil sa kapal ng usok mula sa paputok. Nadagdagan nang malaki ang nakalalasong usok sa papawirin ng mga lungsod sa Metro Manila.
Ang pagka-pollute ng Metro Manila na lumala pa dahil sa dami ng mga pinaputok noong Miyerkules ay sapat na para lubusang ipagbawal nang tuluyan ang mga malalakas na paputok. Sa kabila na bawal ang mga paputok na kinabibilangan ng Judas belt, Goodbye Philippines, plapla, piccolo, five star at iba pang malalakas na paputok, marami pa rin ang lumabag. Hindi masawata ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Sa nakaraang New Year celebration, naging talamak ang bentahan online ng paputok. Hindi ma-monitor ng PNP ang mga nagbebenta online kahit nakipag-coordinate na sila sa mga sikat na kompanyang nagdedeliber ng produkto.
Ibawal ng pamahalaan ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok upang maisalba ang tuluyang pagkalason ng hangin sa Metro Manila. Ang pagkalason ng hangin ay nagdudulot ng pagkakasakit ng mga tao. Lalong tumitindi ang lason dahil sa usok ng mga paputok.
Sa report ng Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa paglanghap ng maruming hangin. Sa pinakahuling pag-aaral, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa air pollution.
Gumawa ng hakbang ang pamahalaan para lubusang maipagbawal ang paggawa at pagbebenta ng paputok sa buong bansa. Ibawal ito upang maisalba ang hangin sa Metro Manila. Kung sa ibang lungsod sa bansa ay bawal ang pagpapaputok, bakit hindi magawa sa Metro Manila.
- Latest