26 high school students sa U.S., naospital dahil pinag-push-ups ng 400 beses ng football coach!
Isang ina sa Texas, U.S.A. ang nagsampa ng kaso laban sa dating football coach ng Rockwall-Heath High School, matapos maospital ang kanyang anak dahil sa matinding training noong Enero 2023.
Ang inireklamong coach ay pinangalanang Harrel.
Ayon sa reklamo, pinilit ni Harrel ang 26 high school football players na magsagawa ng halos 400 push-ups nang walang pahinga.
Ang insidente ay nagresulta sa rhabdomyolysis, isang kondisyon na maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa kalusugan.
Kasama rin sa reklamo ang 12 assistant coaches na umano’y hindi kumilos para pigilan ang mapanganib na aktibidad. Iginiit ng pamilya ng biktima na ang naturang training regimen ay mapanganib at maituturing na kapabayaan.
Bagama’t itinanggi ni Harrel ang bintang ng mga estudyante, sinuspinde siya ng paaralan habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.
Hinihingi ng pamilya ang kabayaran na nagkakahalaga ng higit $250,000 (P13 million) para sa pisikal, emosyonal, at pinansiyal na epekto ng insidente.
Ayon sa kanilang abogado, layunin ng kaso na magbigay ng hustisya at maiwasan ang pag-uulit ng ganitong insidente sa mga susunod na henerasyon ng manlalaro.
Nanindigan ang paaralan na kanilang prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante at tiniyak na magpapatupad sila ng mas mahigpit na mga alituntunin para sa training.
Patuloy namang hinihintay ang magiging resulta ng imbestigasyon at ang posibleng mga hakbang laban sa mga sangkot sa insidente.
- Latest