EDITORYAL — Tax sa gas, suspendihin

KAHAPON, nagtaas na naman ng presyo ang petro­leum products. Hindi magandang pamasko sa­pag­kat ito na ang ikaapat na sunud-sunod na oil price hike. Nagtaas ng P1.45 ang diesel, samantalang 50 sentimos sa gasoline at 75 sentimos sa kerosene. Mula Enero ang diesel at gasoline ay nagtaas na ng P12.55 at ang kerosene ay P9.85 bawat litro.

Ayon sa Department of Energy (DOE) ang pagtaas ng petroleum products ay dahil umano sa paglakas­ ng U.S. dollar at pagbaba naman ng U.S. crude stocks. Isi­nisisi rin ang pagtaas sa patuloy na giyera ng Ukraine at Russia at kaguluhan sa pagitan ng Israel, Palestine at Lebanon. Ayon sa report, posibleng magtuluy-tuloy pa ang pagtaas ng produktong petrolyo sa 2025.

Kapag nagpatuloy ang oil price hike, ang kawawa ay ang mamamayan na kakarampot ang kinikita­. Sa pagtaas ng petrolyo, sabay na tumataas ang mga presyo ng bilihin. Tiyak na tataas ang presyo ng mga produktong iniluluwas sa Metro Manila galing probinsiya. Ta­taas ang presyo ng bigas, gulay, prutas, manok at baboy. Gumagamit ng gasolina at diesel para mailuwas ang mga ito sa Metro Manila.

Tiyak na tataas din ang iba pang pangunahing bili­hin­ gaya ng sardinas, noodles, asukal, mantika at iba pa. Kapag tumaas ang petrolyo, hahatakin pataas ang presyo ng mga produkto. Babawiin sa presyo ng pro­dukto ang itinaas sa gasoline at diesel.

Ang pinakamasakit, kapag humingi ng increase ng pasahe ang transport groups. Dahil sa pagtaas ng pe­trolyo, wala nang kinikita ang mga drayber. Kakarampot ang inuuwi sa pamilya at kulang pa dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Ayon sa mga drayber ng jeepney, ang naiuuwi nilang P700 ay P300 na lamang ngayon dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng diesel.

Noong nakaraang taon, nagbigay ng fuel subsidies ang pamahalaan sa PUV drivers. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng deli­very services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle dri­vers ay P1,000.

Sa kasalukuyan, walang ganitong plano ang pama­halaan at maaaring hindi na magbigay ng fuel subsidies. Walang naririnig na solusyon para mapagaan ang pasanin na idinulot ng pagtataas ng petroleum products.

Nararapat na suspendihin ng pamahalaan ang excise­ tax sa petrolyo para bumaba ang presyo. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (Republic Act 10963) o TRAIN Law na maaaring suspendihin ang tax sa petroleum products. Gawin ito ng pamahalaan upang mabawasan ang pasanin ng mga maliliit na mamamayan. Mabigat ang dinadala nila.

Show comments