PNP, magiging aktibo vs rice smuggling at hoarding!—Marbil

AKTIBONG susuportahan ng Philippine National Police ang batas upang supilin ang rice smuggling, hoarding at pro­fiteering ng mga produktong agrikultura. Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil walang sasantuhin ang kapulisan sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Itong landmark na batas ay pinirmahan ni President Bongbong Marcos upang tugunan at protektahan ang food security at mga consumers sa sobrang nagtaasan na presyo ng bigas at mga sangkap ng pagkain ng mga Pinoy.

“The PNP is fully prepared to support the implementation of this law to protect our farmers and ensure that rice remains affordable for every Filipino household,” ayon kay Marbil. Makakatulong kaya ang hakbangin na ito ni Marbil para mapababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Open secret naman ‘yan mga kosa itong smuggling at hoarding ang numero 1 dahilan kung bakit nagtaasan ang presyo ng bigas at iba pang pang-araw-araw na panga­nga­ilangan ng mga Pinoy.

Kaya nasa timing itong pagpirma ni BBM ng R.A. No. 12022 upang mapuksa na itong smuggling at hoarding ng iba’t-ibang produkto na s’yang nagpapahirap sa mga Pinoy.

Kaya iginiit ni Marbil na handang-handa ang PNP na makipagtulungan sa mga ahensiya ng gobyerno para arestuhin at kasuhan ang mga nasa likod ng smuggling ng iba’t ibang produkto dahil sa ito ay maliwanag na economic sabotage.

Kung sabagay, malaki ang nalulugi ng gobyerno dito sa kaso ng smuggling dahil hindi naman nagbabayad ng tamang buwis ang nasa likod nito, na kadalasan ay mga Chinese businessmen. Mismooo! Ang sakit sa bangs nito!

Ipinaliwanag ni Marbil na hindi lang food security ang naapektuhan nitong smugglers at hoarders kundi maging ang livelihoods ng mga magsasaka. Eh di wow! Kaya’t dapat lang na bigyan sila ng pinakamabigat na kaparusahan.

Kaya malakas ang paniniwala ni Marbil na kapag naging seryoso ang PNP at mga ahensiya ng gobyerno sa pagpatupad ng R.A. No. 12022, hindi lang bababa ang presyo ng mga bilihin kundi maprotektahan din ang pangkabuhayan ng mga magsasaka tungo sa walang balakid na supply ng pagkain sa lamesa ng mga Pinoy. Dipugaaa! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Itong bagong pirma na batas ni BBM ay nalalayon na tukuyin bilang economic sabotage ang smuggling, hoarding, profiteering, cartels at financing ng pagkilos kung saan ang penalty ay life imprisonment o fine na tatlong doble ng presyo ng kumpiskadong produkto.

At ‘yung sangkot naman sa pag-transport at storage ng smuggled products ay papatawan ng 20 to 30 years na pagkabilanggo at penalty na doble sa nakumpiskang produkto. Ang batas ay naglalayon din ng monitoring ng irregularities sa merkado. Kailangan din siguro ang tulong ng mga Pinoy para i-report itong smuggling at hoarding para matapos na ang problemang ito. Abangan!

Show comments