Huwag umupo nang matagal

AYON sa World Health Organization (WHO), masama sa kalusugan ang matagal na nakaupo. Kapag madalas na nakaupo ng dalawang oras o mas matagal pa, posibleng may kumplikasyon ito.

Ayon sa pagsusuri, puwede itong magdulot ng diabetes, pagkataba, pamamanhid ng paa at pagbuo ng dugo sa binti. Kapag laging nakaupo, mas tataba dahil sa kakulangan sa ehersisyo. Puwede rin itong magdulot ng diabetes.

Ang pinaka-seryosong kumplikasyon ng pag-upo nang matagal ay ang pagbuo ng dugo sa binti. Kapag nangyari ito, puwedeng lumipat ang namuong dugo patungo sa baga at mahihirapang huminga. Pulmonary embolism ang tawag ng doktor dito at nakamamatay ito.

Ang isa pang peligro ng pag-upo nang matagal ay ang pagkaipit ng ugat sa may puwit. Puwedeng mamanhid ang paa kapag matagal nadaganan ang ugat nito. Mayroon ding tinatawag na “fat wallet syndrome” kung saan kapag nauupuan ang matabang wallet ay puwedeng mamanhid ang paa. Madalas itong mangyari sa mga lalaki, lalo na sa mga drivers at executives na laging nakaupo.

Narito ang solusyon:

1. Bawat 30 minutos na nakaupo, tumayo ng dalawang minuto para mag-stretch. Kung isang oras kang nakaupo, maglakad-lakad ng limang minuto.

2. Gumalaw-galaw kahit nakaupo. I-stretch ang braso habang nakaupo. Galawin ang mga paa. Ipadyak-padyak ito. Makatutulong ito sa sirkulasyon at pagdaloy ng dugo.

3. Huwag gawin ang lahat ng ehersisyo sa gabi, pero buong araw ka namang nakaupo. Hatiin ang iyong pag-ehersisyo. Mag-ehersisyo kaunti sa umaga at sa gabi.

4. Ilagay ang wallet sa harap ng pantalon. Huwag kapalan ang wallet at bawasan ang laman nito.

5. Kung madalas na gumagamit ng computer, mag-break at maglakad bawat 30 minutos para makapahinga rin ang mata. Kapag matagal nakatitig sa computer screen, puwedeng sumakit ang mga mata at ulo. Ipikit ang mata ng tatlong minuto para makapahinga.

Show comments