EDITORYAL — Bentahan ng paputok online, talamak na!
KAUNTI na ang nagbebenta ng paputok sa bangketa. Ang makikita na lamang ay mga watusi at mga pailaw. Bihirang makakita ng mga piccolo, Judas belt, kuwitis, bawang, Yolanda at ibang paputok na pinagbabawal. Pero hindi ibig sabihin kaya wala na ang mga nabanggit na paputok ay dahil sumusunod sa batas ang mga nagtitinda o manufacturers. Kaya walang nagtitinda sa kalye ng mga delikadong firecrackers ay dahil sa online na ang bilihan.
Mabilis ang transaksiyon sa online. Pipindot lang at makalipas ang isang oras o wala pa, idedeliber na ang mga inorder na paputok. Iba’t ibang klase ng paputok ang maaring orderin online. Yung mga ipinagbabawal na paputok ang ino-order online. Habang papalapit ang New Year, parami nang parami ang bentahan ng paputok online at dapat namang maging mapagmatyag ang Philippine National Police (PNP). Kung hindi masasawata ang bentahan ng paputok online, posibleng maraming maputukan at maputulan ng kamay, daliri at mabulag habang nagpapalit ang taon.
Dahil mabilis ang transaksiyon online, tiyak na bawat bahay ay may inorder na paputok. At ang resulta, madugong selebrasyon. Habang ang iba ay nagseselebra at sama-samang kumakain sa hapag, marami naman ang nagkukumahog para isugod sa ospital ang kaanak na naputukan ng Judas Belt at bawang. Sasalubungin ang 2025 na putol ang kamay o bulag ang mga mata dahil sa malakas na paputok na inorder on line.
Sinabi naman ng mga legal na manufacturer ng paputok sa Bulacan, na bumabaha sa mga lokal na pamilihan ang mga illegal na paputok. Sabi ni Joven Ong, president ng Philippine Fireworks Association na dumadagsa ang mga illegal na paputok at delikado ito sapagkat hindi dumaan sa quality control ang mga paputok. Sabi ni Ong, nararapat kumilos ang DTI para mahuli ang nagbebenta ng mga paputok.
Dapat din namang kalampagin ang PNP para salakayin ang mga tindahang nagbebenta ng mga illegal na paputok. Huwag tantanan ang mga ito at siguruhin na ang mga nakukumpiskang paputok ay nasa isang ligtas na lugar. Marami nang pangyayari na nasunog ang imbakan ng mga nakumpiskang paputok.
Nangako naman si PNP-Civil Security Group (CSG) director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco na magsasagawa sila ng mga pagsalakay sa mga illegal na tindahan ng paputok at pati na rin ang mga nagbebenta online ng bawal na firecrackers.
Paigtingin ng PNP ang paghuli sa mga illegal na gumagawa ng paputok upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa pagpasok ng 2025. Dapat masayang sasalubungin ang bagong taon na kumpleto ang bahagi ng katawan.
- Latest