^

PSN Opinyon

OFW: Asawa at anak umaasa’t naghihintay

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Pamilya ang pangunahing nasasakripisyo sa paglisan ng bawat overseas Filipino worker. Hindi lang ang mismong mga OFW ang nakadarama ng pangungulila kundi pati na rin ang kanilang asawa, anak, magulang, kapatid  o ibang miyembro ng pamilya.  May mga anak na malalaki na nang makita at makilala nila ang magulang nilang OFW dahil sanggol pa lang sila nang unang mangibang-bansa ito. Sumusubok sa pagmamahalan ng isang mag-asawa ang paglayo ng isa sa kanila para maghanap ng magandang kapalaran sa iba-yong-dagat. Araw-araw na nasasabik ang bawat magulang na muli nilang makadaupang-palad ang anak nilang matagal nang nanirahan sa dayuhang lupain. May mga pamilyang nawasak ang pagsasama o may mga anak na nagrerebelde o naliligaw ng landas o nalulong sa masamang bisyo na resulta ng matagal na pagkawala ng isa nilang mahal sa buhay na nangibang-bansa para sila mabigyan ng magandang kinabukasan.  Pinakamasakit din sa maraming  OFW iyong isa sa miyembro ng kanilang pamilya ay napahamak o namatay habang nasa malayong lugar siya at wala silang magawa.

Bawat asawa, anak, kapatid  o magulang ay nangungulila, umaasa at naghihintay sa pagbabalik ng kanilang  mahal sa buhay na sumubok na makipagsapalaran sa ibayong-dagat. Hindi sapat ang mga teknolohiya para ganap na maibsan ang nadarama nilang kalungkutan kahit madalas silang magkausap sa pamamagitan ng cellphone, computer, laptop, iPad,  messenger, viber, video call, text messages, email at ibang uri ng komunikasyon.  Masasabing magkakapareho lang ang nararamdaman ng mga OFW at ng kanilang pamilya sa pisikal na  pagkakahiwalay nila sa isa’t isa. Maraming birthday, anniversary, binyagan, graduation sa eskuwelahan, Pasko at Bagong Taon ang dumaraan nang malungkot dahil wala ang miyembro ng pamilya na nasa abroad.

Kahit saang lugar sa Pilipinas,  karaniwan na ang mga pamilyang may miyembrong nasa ibang bansa.  Lumabas nga sa isang survey ng Social Weather Station noong Disyembre 2022 na pitong porsiyento ng mga pamilya (Filipino household) sa Pilipinas ay merong miyembrong OFW.  Sinasabing maaaring doble pa ang bilang na ito dahil merong pitong porsiyento ng mga adult Filipinos na kasalukuyang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Bukod dito, patuloy ang pagdagsa palabas ng Pilipinas ng maraming Pilipinong nagiging OFW.  Nabatid nga noong Disyembre 2022 sa Philippine Statistics Authority na nakapagtala ito ng 1.83 milyong OFW sa buong mundo mula Abril hanggang Setyembre 2021. Maaaring mas mataas pa ang bilang na ito dahil ayon sa Department of Migrant Workers, umaabot sa 800,000 manggagawang Pilipino ang naipadala sa ibang bansa noong taong 2022. Mahihiwatigan dito ang higit pang paglobo ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na naiiwan ng umaalis na mga OFW.

Sinasabi nga sa isang guidebook ng Ruben M. Tanseco, S.J. Center for Family Ministries (RMT-CEFAM) na ang pag-unlad ng kalagayang pinansiyal mula sa pagtatrabaho sa ibayong-dagat ay makakapagdulot ng magandang pagbabago sa pamumuhay ng pamilya ng isang OFW.  Pero ito ay makakapagbigay din ng maraming pagsubok na madarama ng bawat miyembro ng pamilya tulad ng problema sa relasyon ng mag-asawa, problema sa pag-uugali ng mga anak, pakikibagay sa pamayanang kinabibilangan at pagkasira ng mahigpit na relasyon ng pamilya. Pinuna sa guidebook na binabalewala ng maraming OFW ang nabanggit na mga suliranin. Naniniwala sila na ang pagiging masipag, mapagsakripisyo, matulungin, madasalin, maalaga, ang pakikisama, at ang pagmamahal sa pamilya ay sapat na upang masugpo ang darating na problema.  Mahalaga ang mga pag-uugaling ito pero hindi sapat upang maiwasan ang mga problema.  Kapag ang isang OFW ay nalayo sa kanyang pamilya nang mahabang panahon, nagkakaroon ng pagbabago sa mga dating kinagawian at pakikipag-ugnayan na da-pat asahan at pagplanuhan  upang magkaroon ng bago at maunlad na kalagayan. 

Binanggit din sa guidebook ng RMT-CEFAM ang ilang mga pagsubok na maaaring makaharap ng pamilya ng isang OFW. Isa rito iyong kakaharapin ng OFW at/o ng kanyang asawa ang kalungkutan at ang pighati ng pag-iisa. Para sa asawang maiiwan,  dobleng pananagutan ang gagampanan bilang ama at ina sa mga anak. Kapag parehong magulang ang umalis,  isang malaking hamon sa tatayong magulang, pati na rin sa mga bata,  ang kalungkutan sa pagkakawalay nang ganito. 

 Kapag ang ama ang naiwan sa bahay, maaa-ring magkaroon ang mga anak ng negatibong saloobin sa kanilang ama na dati ay pangunahing tagapagtaguyod na naging tagapag-aruga na at disiplinaryan. Ang pamamahala sa ipinadadalang pera ng asawa, pagbabadyet, at pamumuhunan ay maaa-ring maging pagsubok sa mag-asawa lalo na sa kabiyak na maiiwan. 

Ang mga anak ng OFW ay maaaring magkaroon ng pakiramdam na pagkabigo, napabayaan, at pagiging malayo ang loob sa magulang na OFW. Ang mga miyembro ng pamilya ay napapagkaitan ng ugnayan at pisikal na pagkakasama-sama na sana’y makakatulong  at makakapagpalago sa kanilang relasyon.

Ilan lang ang mga nabanggit sa mga pagsu-bok na aktuwal na nangyayari sa maraming pamilya ng OFW na dapat napapaghandaan hangga’t maaari. Maraming puwedeng mangyari na maganda o pa-ngit, mabuti o masama kaya nga, sabi ng ilang mga eksperto, mahalaga talagang pinag-iisipan at pinagpaplanuhang mabuti ng OFW at ng kanilang pamilya ang isyu ng pangingibang-bansa na makakapagpabago sa kanilang buhay, positibo man o negatibo.

* * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with