EDITORYAL - Bawal sa pulitiko na mamudmod ng ayuda
Mabuti at hanggang maaga, nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigpit na ipinagbabawal sa mga pulitiko na makilahok sa aktuwal na pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Inviduals in Crisis Situation (AICS).
Ang pagbabawal ay nakasaad sa implementing rules and regulations ng programa na nilagdaan noong Abril. Malinaw na hindi dapat makisawsaw ang mga pulitikong tatakbo sa May 2025 elections.
Ayon pa sa DSWD, ang disbursing officers lamang ang papayagang humawak ng pera at mga tauhan ng ahensiya ang mamumudmod nito para sa AKAP at AICS. Masama umano ang nagiging impresyon na ang perang ipinamimigay ay galing sa bulsa mismo ng mga pulitiko. Lumalabas na ang mga pulitiko ang nagsikap para magkaroon ng ayuda na pinamamahagi.
Naging kontrobersiya ang ginagawang pamamahagi ng ayuda ng ilang kongresista bilang kapalit sa pirma ng inilulunsad noon na peoples iniative para amyendahan ang 1987 Constitution. Ginagamit ang ayuda para makakuha nang maraming pirma. Pawang pansarili ang hangad ng mga pulitiko na pati ang pera pantulong sa mga kapos sa buhay ay ginagamit.
Lalo namang naging kontrobersiya ang isyu sa ayuda nang umalingasaw ang appropriation ng P26 billion para sa AKAP projects ng mga mambabatas para sa 2025. Inihayag ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate finance committee na P21 bilyon ang naka-allocate sa mga miyembro ng House of Representatives at P5 bilyon para sa mga senador.
Napakalaki ng perang pinag-uusapan dito. At ito ay pera ng taumbayan. Kaya nararapat lamang na mabantayan para hindi magamit ng mga pulitiko sa pamumulitika. Ilang buwan na lamang at magsisimula na ang campaign period para sa 2025 midterm elections. Maaaring bumaha ang pera mula sa mga kandidato para masiguro ang panalo.
Maging mapagbantay ang DSWD para hindi mapasukan ng pulitika ang pamamahagi ng ayuda. Hindi dapat makasawsaw ang mga pulitiko na ang pansarili ang iniisip. Dapat nilang malaman ang guidelines sa pamamahagi ng ayuda.
Ngayong niliwanag na ng DSWD ang tungkol sa pamamahagi ng ayuda, hindi na dapat pang makita ang pagmumukha ng mga kandidato o pulitiko sa lugar na pinagdarausan ng pamamahagi ng ayuda. I-report ng mamamayan, ayon na rin sa utos ng DSWD ang mga pulitikong magtatangka na mamahagi ng ayuda na galing sa DSWD.
- Latest